TINIYAK ni Sen. Grace Poe na ipaglalaban niya ang malakas na bersiyon ng Freedom of Information (FOI) bill kapag nakarating sa bicameral conference committee ang kontrobersyal na panukala na naglalayong bigyan ng access ang taong bayan sa mga impormasyon sa tanggapan ng pamahalaan.
Sinabi ni Poe, sponsor ng panukala sa Senado, kailangan matiyak na malakas ang bersyon na maisabatas dahil kung hindi ay mawawalang silbi ang layunin nito na mapalakas ang kampanya laban sa korupsyon.
“Iyan ang aking pangamba dahil maaaring mangyari iyon. Kaya nga ang importante pagdating doon sa bicameral conference, ibig sabihin kapag naipasa na iyan sa Lower House at kami ay nag-meeting na nang magkasama, ‘yung sa akin ay gusto kong malinaw na talagang ipaglalaban ko talaga ay ang bersyon na malakas sapagkat huwag naman tayong magpapasa ng batas na balewala dahil katakot-takot na problema na naman ang idudulot niyan,” ani Poe.
Tinukoy ng senadora ang mahahalagang probisyon ng panukala na dapat matiyak at mapasama kapag naisabatas ang panukala.
“Unang-una ‘yung automatic uploading ng SALN o ‘yung mga ari-arian ng mga nasa gobyerno, kasama na diyan ‘yung mga barangay captain, kailangan kasi pag pay grade 27 and higher at saka ‘yung mga heads of office ay kailangan meron sa website kung magkano talaga ‘yung mga ari-arian nila,” wika ng senadora.
(LAYANA OROZCO)