BAGUIO CITY – Apat staff ang sugatan nang mahulog sa bangin ang isang sasakyan mula sa convoy ni Vice Pres. Jejomar Binay sa Banaue, Ifugao kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Danilo Tamo, driver ng nasabing sasakyan, Alexander Solis, Alexander Sicat at Roman Campita, photographer.
Sa impormasyon mula sa Ifugao Provincial Police Office, isang itim na Fortuner (SJR-272) ang nahulog sa 15 talampakang lalim ng bangin.
Sa kasalukuyan, nasa ligtas nang kalagayan ng apat na ginagamot sa Good News Medical Hospital sa Banaue, Ifugao.
Napag-alaman din ng mga pulis na ang mga pasahero ay mga miyembro ng security group ni Binay at ang isa ay personal photographer.
Inaalam pa ng mga pulis ang dahilan ng pagkahulog sa bangin ng nasabing SUV.
Sa pahayag ni Joey Salgado, spokesman ng pangalawang pangulo, patungo ang mga staff sa Banaue para sa turnover ng medical equipment at inagurasyon ng bagong gusali nang mangyari ang insidente.
(KARLA OROZCO)