PINIGIL ng Washington Wizards ang 10-game winning streak ng Oklahoma City Thunder matapos ilista ang 96-81 panalo ng una sa huli kahapon sa nagaganap na 2013-14 National Basketball Association, (NBA) regular season.
Bumanat ng double-double na 17 points at 15 assists si John Wall upang ipinta ang 23-23 win-loss slate ng Washington at manatiling nasa pang-anim na puwesto sa Eastern Conference.
Si Wall na napili sa kauna-unahang pagkakataon na makapaglaro sa All-Star game ay bumira ng 15 puntos sa second half para hiyain ang tropa ni three-time scoring champion Thunder star player Kevin Durant.
May sahog pang anim na steals si Wall.
Tinapatan naman ni forward Nene Hilario ang puntos ng kakamping si Wall habang si Trevor Ariza ang nanguna sa opensa para sa Wizards na may 18 puntos, anim na boards at tig dalawang assists at steals.
Kinapos naman ang 26 puntos, pitong assists at limang rebounds ni Durant kaya naman nalasap nila ang pang-11 talo sa 49 na laro.
Dumaan naman sa butas ng karayom ang Indiana Pacers bago tinalupan ang Brooklyn Nets, 97-96.
Kumana ng tig 20 puntos sina center Roy Hibbert at forward Paul George upang manatili sa tuktok ng Eastern Conference sa kartang 36-10 panalo-talo.
(ARABELA PRINCESS DAWA)