PAGKATAPOS na hindi siya isinama sa lineup ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Championships noong isang taon, lalong naging pursigido si Beau Belga upang pagbutihin ang kanyang paglalaro sa PBA.
Naging bida si Belga sa 90-88 na panalo ng kanyang koponang Rain or Shine kontra Talk ‘n Text noong Sabado sa PBA Home DSL Philippine Cup nang naipasok niya ang pamatay na tira sa huling 1:10 ng laro.
Nagtala si Belga ng 16 puntos sa nasabing laro at siya ang napili ng PBA Press Corps bilang Player of the Week para sa linggong Enero 7 hanggang 13.
“Before (magsimula ang ensayo namin) ako nagsu-shooting kaya dumarating ako ng maaga. So far, iyan (pag-tira sa labas) and dine-develop ko, yung mid-range shot,” wika ni Belga.
“Ganun naman si coach, basta libre, itira mo lang. Eh nataon pa sa amin ni JR (Quinahan) na nakaka-shoot kami. Nung maka-shoot ako sa second half, nagka-kompiyansa na ako,” dagdag niya.
Sisikapin ng Rain or Shine na talunin ang Meralco bukas para magkaroon ng pag-asang makalaro ang Petron Blaze sa playoff para sa ikalawang puwesto sa quarterfinals at makuha ang twice-to-beat na bentahe.
Nangunguna ngayon ang Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang 10-2 panalo-talo pagkatapos na talunin ng Kings ang Barako Bull, 90-83, noong Linggo.
Kapag tinalo ng Ginebra ang Globalport sa Biyernes ay makukuha ng tropa ni coach Ato Agustin ang pagiging top seed sa quarterfinals.
“Pipilitin na namin makuha yan (top seed),” ani Agustin.
(James Ty III)