INILINAW ng Quezon City Police District (QCPC) na wala sa kanilang pag-iingat ang sinabing 12 kilo ng shabu na narekober sa magsyotang natagpuang patay sa isang kuwarto sa isang apartelle sa Cubao nitong nakarang Biyernes sa nasabing lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang reported na shabu na nakalagay sa green aluminium foil pouch ng Chinese brand tea ay nasa pag-iingat na ng Scene of the Crime Office (SOCO).
Anang opisyal, hindi puwedeng hawakan ng QCPD ang mga ebidensiya sa crime scene dahil walang naganap na buy-bust operation na nagresulta sa patayan at sa halip ay natagpuan na lamang ang ebidensya sa magsyota kaya, ang SOCO ang siyang mangangalaga sa mga ebidensiya.
Binanggit din ng opisyal na mga ‘sachet’ o ‘tea bag’ size lamang at hindi bulto-bulto ang nakita sa kuwarto ng namatay na magsyotang sina Aisa Cortez ng Pangasinan at Ryan Guibon ng General Santos City tulad ng napaulat sa pahayagang ito na walo hanggang labindalawang kilong shabu ang natagpuan sa kwartong iyon ng Taxi Apartelle.
Ngunit batay sa nakuhang larawan ng HATAW, hindi sachet o tea bag kundi one kilo green aluminium foil pouch ng Chinese brand tea ang kinalalagyan ng shabu.
Sinabi ni Marcelo na inaalam pa umano ng SOCO kung ano ba ang nilalaman ng nasabing green aluminium foil pouch na natagpuan sa crime scene ng SOCO.
Nilinaw ni Marcelo na ang tanging inimbestigahan nila ay iyong reported homicide case para malaman kung may foul play sa insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, maaaring binaril at pinatay muna ni Guibon si Cortez bago ito nagbaril sa sarili. Samantala, sinabi ni Chief Insp. Roberto Razon, hepe ng QCPD Anti-Illegal Drug Office, na wala siyang natanggap na ulat hinggil sa insidente kasabay ng pagsabi na SOCO na ang may hawak ng kaso maging ng mga ebidensiya.
ni Almar Danguilan