SISIKAPIN ng Rain or Shine na makaganti sa Talk N Text upang mapahaba ang winning streak at manatili sa ikalawang puwesto sa kanilang pagtatagpo sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang 5:45 pm sa Mall of Asia Arena sa Pasay City .
Pagbawi din ang pakay ng Air 21 sa SanMig Coffee sa 3:45 pm opener at ito’y upang hindi tuluyang malaglag.
Ang Elasto Painters ang pinakamainit na koponan sa kasalukuyan matapos ang apat na sunod na panalo kontra Petron Blaze (99-95), Barako Bull (99-95), SanMig Coffee (101-77) at Globalpot (98-87). Sila ay may 8-3 record.
Ang defending champion na Tropang Texters ay may 7-4 matapos na ma-upset ng Air 21, 102-100 noong Miyerkoles.
Si Rain Or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao ay sumasandig kina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Ryan Arana at Beau Belga. Makakatapat nila sina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Jayson Castro at Larry Fonacier.
Ang Air 21 ay nasa ibaba pa rin ng standings at mayroon lang tatlong panalo kontra siyam na talo. Kailangan ng Express a magwagi mamaya at sa Enero 18 kontra Rain Or Shine upang makarating sa quarterfinals.
Galing din sa morale-boosting na panalo ang SanMig Coffee kontra nangungunang Barangay Ginebra San Miguel, 83-79 noong Linggo para sa 4-7 record.
“I wish we would play this way the rest of the way,” ani Mixers coach Tim Cone matapos ang tagumpay.
Sa una nilang pagkikita noong Disyembre 1 ay dumaan sa dalawang overtime period ang SanMig Coffee bago nanaig sa Air 21, 92-83.
Kumpleto na ang Mixers ngayon at wala nang nasa injured list. Sila’y sumasandig kina two-time Most Valuable Player James Yap, Peter June Simon, Joe DeVance, Marc Pingris at Mark Barroca.
Si Air 21 coach Franz Pumaren ay umaasa naman kina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Joseph Yeo, Nino Canaleta at Eric Camson.
Sabrina Pascua