ITINUTURING na ng mga naninirahan sa Baseco Compound (matatagpuan po ang lugar na ito sa Port Area) na ang kanilang isang paa ay lagi nang nakaumang sa hukay.
Ganyan po kapanganib manirahan sa Baseco.
Sa tala ng pulisya, ang BASECO ay isang lugar na pinamumugaran ng mga pusakal kaya ‘matik na ang mga tao roon ay laging subject for scrutiny.
Ganyan po ang nangyari sa isa nating tao nitong a-30 ng Disyembre (2013).
Day-off nang araw na iyon si Benjie Andrade, ang tao namin na nakatalaga sa imprenta tuwing gabi.
Dahil magba-Bagong Taon, inisip niyang dumalaw sa kanyang kumpare sa Block 1 sa may gawing Aplaya.
Ang nasabing area, napag-alaman natin sa mga awtoridad ay ‘hot spot’ dahil naroon umano ang talamak na bilihan ng shabu.
Lingid sa kaalaman ni Benjie at ng kanyang kumpare ay may nakatakda palang pagsalakay doon ang mga Barangay tanghod ‘este’ Tanod.
Dahil nag-iinuman sa labas ng bahay, nang may sumigaw na raid ay nakitakbo si Benjie sa mga nagpulasang residente sa nasabing lugar.
Dahil nagtakbuhan, sila ang hinabol ng mga Brgy. Tanod. Ang sabi ng mga pulis, tapos na ang insidente nang dumating sa area, nakipagpalitan daw ng putok sa Tanod ang mga suspek, pero ang tinadtad ng bala ng Brgy. Tanod ay si Benjie na walang dalang kahit anong armas.
Sonabagan!!!
SILG Mar Roxas, kailan pa pwedeng magdala ng armas ang isang Barangay tanod!?
Dead on the spot si Benjie. Naiwan niya ang kanyang ka-live-in at tatlong anak na ang pinakamatanda ay limang taon gulang.
Sa ganyang sitwasyon, sabi nga ay hindi nagiging parehas ang lipunan sa mga taga-BASECO.
Ang katotohanang ito sa BASECO ay laging dumadaig sa katarungang inaasam ng mga biktima ng pamamaslang sa nasabing lugar.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, araw-araw din na may pinapaslang sa nasabing lugar.
Sabi nga, may karapatan pa bang mangarap ang mga taong itinuring na ‘paraiso’ ang isang lugar na kahit sila ay hindi nalalaman kung hanggang kailan sila mabubuhay?!
‘Yun bang tipong paglabas nila ng bahay sa umaga ay hindi nila alam kung makauuwi pa sila ng bahay sa kanilang mga ‘munting paraiso.’
Ang takot sa kanilang dibdib ay dinaraig na lang ng pagkalam ng kanilang sikmura at ng mumunting pangarap na mapag-aral ang kanilang mga anak para maiahon at maialis sa BASECO.
Ang Tacloban ay winasak ng kalamidad. Alam nating maraming pamilya ang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pananalanta ni Yolanda. Pero sa kasalukuyan, ang mga survivor ay tumutugpa na sa daan para muling iahon ang kanilang sarili.
Sa BASECO, araw-araw ay mayroong nagkakahiwa-hiwalay na pamilya dahil sa KARAHASAN.
Ang karahasan sa BASECO ay hindi ibinunsod ng giyera na naghahangad ng kalayaan laban sa mga mapaniil na pwersa. Ang karahasan sa BASECO ay iniluwal ng ‘PROTEKSIYON’ sa mga illegal na interes.
Kung nangangailangan ng AYUDA ang Tacloban at iba pang lugar sa Kabisayaan para sa kanilang rehabilitasyon at pagbangon para sa pagbabalik sa normal na buhay, ganito rin kasidhi ang pangangailangan ng mga taga-BASECO.
Kailangan nila ng mga kagawad at opisyal ng pulisya (PNP) na hindi kayang bilhin ng salapi at karangyaan, dahil sila ang dapat magtanggol sa mga mamamayan na walang habas na pinapaslang.
Kailangan nila ng social and community workers para tulungan silang itaas ang kanilang moral at mamuhay sa isang tamang paraan.
Kailangan nila ng espesyal na programa ng Department of Labor (DOLE) para bigyan ng legal na hanapbuhay ang mga taga-BASECO na karamihan ay nagmula sa mga lalawigan na nagsawa nang mangisda o magsaka dahil sa kabila na sila ang nangangalaga sa batayang pagkain na kinakailangan ng bansa ay sila pa ang kumakalam ang sikmura.
Kailangan nila ng paaralan, ospital, recreation center at kapaki-pakinabang na programa para sa mga kababaihan para pangalagaan ang kanilang tahanan at pamilya bilang ambag sa pagpapatibay ng ating lipunan.
Aminin man o hindi ng gobyenrong ito, wala sa kanilang programa ang BASECO. Hindi ito kasama sa kanilang prioridad at lalong wala silang interes na ayusin ang pamayanan dito dahil pana-panahon ay pinakikinabangan nila ang mga tao rito lalo na kapag araw lang ng eleksiyon.
Ang mga taga-BASECO ay hindi lamang maituturing na ROBOT na ginagamit ng mga malalakas at makapangyarihan. Sila ay parang mga bilanggo na nasa DEATH ROW na parang ano mang oras ay isasalang sa FIRING SQUAD.
Hindi nalalayo d’yan ang nangyari kay Benjie.
Tutuldukan ba ito ng administrasyong PNOY?!
Anong masasabi mo BASECO Brgy. Chairman Kristo Hispano!?
PALPAK NA PYROTECHNICS DISPLAY SA SM MOA SINO ANG DAPAT MANAGOT?!
PAGKATAPOS masugatan ang 23 katao sa ginanap na PYROTECHNICS DISPLAY sa SM Mall of Asia (MOA) nitong pagsalubong sa Bagong Taon, tiyak na marami na ang matatakot na manood nito sa mga susunod na taon.
Pero ang tanong, sino ba ang dapat managot sa pangyayaring ‘yan na ni hindi natiyak ang kaligtasan ng mga manonood.
Taon-taon ay ginagawa nila ‘yan pero hindi man lang ba nila pinaglaanan ng panahon para isipin kung paano matitiyak ang kaligtasan ng mga tao?!
Mantakin ninyong nakapamahal ng extra charge sa mga restaurant na malapit d’yan sa pagdarausan ng pyrotechnics display pagkatapos hindi nila maigarantiya ang kaligtasan ng mga manonood?!
SM MOA, sandamakmak ang kinikita ninyo d’yan sa mga activity na ‘yan, pwede bang ayusin ninyo?!
Kung kinakailangang mag-test kayo at magsindi ng mga nasabing pyrotechnincs aba ‘e gawin ninyo!
Uulitin ko po, hindi lang kita ang dapat ninyong tiyakin, mas higit ang kaligtasan ng inyong mga KLIYENTE o CUSTOMERS.
Sana naman ay laging nasa isip ninyo ‘yan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com