Ibinasura ng korte sa Estados Unidos ang $1 milyong lawsuit na isinampa ng isang Texas-based promotional outfit laban kay Sarangani Representative at boxing superstar Manny Pacquiao.
Batay sa report ng Ring TV, kinatigan ng US Court of Appeal for the Fifth Circuit sa New Orleans, ang nauna nang desisyon laban sa ED Promotions.
Sa naturang desisyon, sinabing ‘dinoktor’ lang ang mga dokumentong ginamit sa kaso laban kay Pacquiao.
Isinampa ng ED Promotions ang naturang kaso laban kay Pacquiao, matapos umanong mabigo ang boksingero na dumalo sa isang promotional event sa McAllen, Texas.
Iginigiit ng ED Promotions na dapat sana’y pupunta si Pacquiao sa Cowboys Stadium noong Nobyembre 2010 matapos talunin si Antonio Margarito.
Kontra naman ng abogado ni Pacquiao, ang kontrata ay sa pagitan ng boksingero at isang Edmundo Lozano at hindi aniya kasali ang ED Promotions.