(4 sugatan)PATAY ang Zambo del Sur mayor at kanyang misis, at dalawang iba pa, habang apat ang sugatan sa pananambang sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, dakong 11:15 Biyernes ng umaga.
Ito ang kinumpirma ni MIAA GM Jose Angel Honrado, sa pagharap nito sa media ilang minuto matapos ang insidente.
Kabilang sa mga napatay si Labangan, Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa at asawang si Lea Talumpa.
Bukod dito, patay rin ang isa pang hinihinalang kaanak ng mga Talumpa, na kinilalang si Salipudin Talumpa, 25-anyos at ang 18-buwan gulang na si Philip Tomas Esquesta.
Ang apat na sugatan na hindi pa pinapangalanan ay dinala sa Villamor Airbase hospital para obserbahan at bigyan ng pangunang lunas.
Naganap ang insidente sa pagitan ng loading bays 1, 2, at 3 paglabas sa arrival ng NAIA Terminal 3.
Ang alkalde ay mula Zamboanga sakay ng Cebu Pacific flight 5J 852.
Hindi pa tukoy kung ilan katao ang mga suspek na ayon sa unang ulat ay kalibre .45 ang ginamit n armas.
Inamin ni Honrado na walang closed circuit television (CCTV) camera sa nasabing lugar pero nakunan umano sa cellphone video ang mga suspek.
Dalawa sa mga suspek ang nakasuot ng uniporme ng pulis at nakamotorsiklo, na tinangkang habulin ng mga awtoridad.
Sinabing mayroon mga saksi ang awtoridad kabilang ang ilang empleyado ng paliparan.
Unang nakatanggap ng distress call ang lahat ng security personnel ng terminal at pinareresponde sa lugar dahilan upang agad makordonan ang pinangyarihan ng krimen.
Nabatid na si Talumpa ay dalawang beses nang pinagtangkaang tambangan.
Nalampasan niya ang mga tangkang pagpatay noong 2010 at grenade attack noong 2012, sumugat sa isang pulis, kabilang bang dalawang pedestrian at isang 3-taon gulang batang babae.
Noong 1983 pinaslang ang ama ni Pangulo Noynoy na si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., sa tarmac ng dating Manila International Airport (MIA) – kaya ipinangalan sa kanya ang paliparan noong maging pangulo ang biyuda niyang si Corazon Aquino.
HATAW News Team
NAIA AMBUSH KINONDENA NI PNOY
MARIING kinondena ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino ang pamamaril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 3 na ikinamatay ng apat katao.
Kasama sa apat na namatay ang Labangan, Zamboanga del Sur mayor, isang 18-month old baby, at lima pa ang sugatan.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, iniatas na ni Pangulong Aquino ang hot pursuit operations laban sa mga suspek.
Ayon kay Coloma, magpapatupad ng kaukulang security measures para matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan lalo ngayong holiday season.
“As directed by the President, PNP is conducting hot pursuit operations against suspected assailants. We condemn this blatant act of violence that has killed an innocent bystander and imperiled the safety of citizens in the airport. The government will adopt necessary measures to ensure the citizens’ safety especially during this holiday season,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)