Friday , November 22 2024

Kamalig ng NFA nilusob ng survivors ( 8 patay sa stampede )

111413_FRONT
WALO ang patay makaraang gumuho ang kamalig ng National Food Authority (NFA) sa lalawigan ng Leyte na matinding sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Ayon kay NFA administrator Orlan Calayag, nangyari ang insidente nitong Lunes nang lusubin ng mga survivor ng bagyo ang NFA warehouse sa bayan ng Alang-Alang, 15 hanggang 20 kilometro ang layo mula sa Tacloban City.

“Ito po ay isa sa pinakamalaking warehouse natin. Noong naganap ang pagbagyo, agad tayong nakiusap sa PNP (Philippine National Police) para ito ay mabantayan kasi ang ganitong pangyayari ay nangyari na rin po sa ibang bahagi ng bansa noong ibang mga kalamidad,” pahayag ni Calayag.

“Napasok at nakuha ang karamihan sa inventory although hindi naman lahat. Ang malungkot dito, dahil po hindi na napigilan ang mga tao, nag-collapse ang warehouse, 8 ang namatay,” aniya.

Sinabi ni Calayag na 33,000 kaban ng NFA rice ang tinangay ng mga survivor. Aniya, walang napaulat na namatay na NFA employee ngunit marami ang nasugatan sa insidente.

Humingi na aniya siya ng tulong sa pulisya at militar para sa siguridad ng mga warehouse at personnel na nagde-deliver ng karagdagang rice supply sa apektadong mga lalawigan.

“Patuloy natin binabantayan, kasi diretso ang augmentation ng mga supply, diretso ang pagdating ng supply mula sa iba’t ibang area. Ang sinisigurado natin ngayon, kahit ang pagsalubong sa barko hanggang sa transfer ng bigas by land, kami ay humihingi ng military escort,” dagdag ni Calayag.

HATAW News Team

LOOTING SA TACLOBAN NAUNAWAAN NI PNOY

NAUUNAWAAN ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang mga nangyayaring nakawan o looting sa Tacloban City matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Sinabi ni Pangulong Aquino na naging desperado na ang mga mamamayan habang hindi pa dumarating ang relief goods.

Ayon kay Pangulong Aquino, nahihirapan din ang local authorities na makaresponde dahil ‘out numbered’ kaya nagpapadala sila ng mga karagdagang personnel mula sa ibang rehiyon.

Ito raw ang dahilan kaya minamadali nila ang pagsasagawa ng relief operations at nag-take-over na ang national government para maibalik ang kaayusan sa lugar.

“People were — became — desperate, and that’s why we are trying to fast-track the situation where national government takes over these local government functions so that order is restored,” ani Pangulong Aquino.

DEATH TOLL: 2,275 NA MISSING: 10,000 KATAO

PUMALO na sa 2,275 ang naitalang namatay sa paghagupit ni Bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario, ang nasabing casualty figures ay batay sa nakukuha nilang reports mula sa mga local PDRRMC.

Sinabi ni Del Rosario, nasa 3,665 naman ang sugatan habang 80 ang nawawala.

Sa kabilang dako, nagpapatuloy pa rin ang humanitarian and disaster operation ng militar at pulisya sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.

Sa kabilang dako, tinatayang nasa mahigit 10,000 ang bilang ng mga biktima ng super typhoon Yolanda na hindi pa natatagpuan.

Ito’y dahil marami pang nagkalat na mga bangkay sa gilid ng daan, mga bahay na hindi pa mapasok ng search and rescue team at maging ang mga bangkay na nasa dalampasigan at nasa gitna ng karagatan na nagpapalutang-lutang lamang.

Inihalintulad ni Rondon Ricafort ng Team Albay Humanitarian Mission, sa isang basurahan ang kasalukuyang sitwasyon ng Tacloban City.

Aniya, mula sa isa sa pinakamagandang lungsod sa Visayas, maikokompara na sa isang malaking dumpsite na nag-kalat ang mga patay, wasak ang mga bahay at mga gusali habang marami ang nagkalat na mga ari-arian.

Bukod pa rito ang mga pakalat-kalat na mga residente sa mga daan na halos maghabulan at hindi mapakali tuwing nakakikita ng mga sasakyang may dalang relief goods.

ABAYA GURU NG RELIEF GOODS TRANSPORTATION

ITINALAGA ni Pangulong Benigno Aquino III si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya bilang transport guru na mangangasiwa sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ni super typhoon ‘Yolanda.”

“The President appointed Secretary Jun Abaya as the czar on how to move things. He’s the transport guru now. So air, land, and sea (are) at his disposal to make sure we move the goods just as fast as we can pack them po,” pahayag kahapon ni Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras.

(ROSE NOVENARIO)

4 CEBU-TACLOBAN FLIGHTS MAGPAPATULOY — CEB

IPAGPAPATULOY ng Cebu Pacific ang operasyon ng apat na flights mula Cebu at Tacloban mula Nobyembre 13 hanggang 25, 2013.

Ang unang Cebu-Tacloban-Cebu flight ay nakareserba sa mga pasaherong apektado ng flight cancellations dulot ng bagyong Yolanda (Haiyan), at para sa humanitarian purposes. Dahil walang koryente at bagsak ang komunikasyon sa Tacloban, nagsusumikap ang CEB’s Tacloban team na maserbisyohan nang maayos ang mga pasahero.

Ang available seats sa nalalabing tatlong Cebu-Tacloban-Cebu flights ay mababatid sa website www.cebupacificair.com, reservation hotlines (02)7020-888 o (032)230-8888 o sa nearest travel agents.

Ang Tacloban Airport ay kasalukuyang limitado sa turbo-prop aircraft flights. Ang airline ay nakikipagkoordinasyon sa pamahalaan para sa pagpapatuloy ng normal na operasyon sa Tacloban sa lalong madaling panahon.

Bilang paalala, ang mga pasahero ng CEB sa domestic at international flights mula Nobyembre 7 hanggang 15, 2013 patungo o mula sa Visayas region, Bicol region, Palawan, Mindoro at iba pang piling Mindanao destinatons ay may opsyon na i-rebook o i-reroute ang kanilang flights nang walang multa, o kumuha ng full refund o travel fund.

Maaaring tumawag ang mga pasahero sa (02)7020-888 o (032)230-8888 para sa kanilang napiling opsyon, ano mang oras maging pagkaraan ng kanilang flights. Ang mga nais na i-tsek ang status ng kanilang flights ay maaaring magtungo sa https://www.cebupacificair.com/Pages/check-flight-status.aspx

Sisikapin ng Cebu Pacific na maglaan ng updates sa lalong madaling panahon. I-follow ang @CebuPacificAir sa Twitter o Cebu Pacific Air’s official Facebook page.

INT’L MEDICAL EXPERTS HUMUGOS NA RIN

BUKOD sa cash assistance at in-kind donations, bumuhos na rin ang international support para sa rescue at trauma management sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

Sa ngayon, nagpadala na ang World Health Organization (WHO) ng mga eksperto at medical teams partikular sa Tacloban.

Sinabi ni WHO Representative to the Philippines Dr. Julie Hall, kabilang dito ang grupo mula sa Australia, Belgium, Germany, Hungary, Israel, Japan, Norway, Russia at Spain at nakikipag-ugnayan na sa DoH para sa logistical arrangements.

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *