PADAYON
ni Teddy Brul

MAHALAGANG deposito ng Karst bauxite sa Paranas, Samar, na naglalaman ng aluminyo at mga rare earth elements. (Retrato mula sa alcircle.com)
TUWING sumasabay ako sa kapuwa siklista, hindi maiiwasang humanga ako sa tibay at ganda ng kanilang bisikleta. Sa mahahabang biyahe, madalas akong mahuli. Akala ko noon ay dahil sa edad o kakulangan sa ensayo.
Ngunit ayon sa aking mga kapadyak ay may mas praktikal na dahilan: kailangan ko raw mag-upgrade—mula steel patungong alloy o carbon.

Karaniwang payo rin ang pagtangkilik sa Japanese-made bike parts. Mas magaan, mas matibay, mas “advanced,” sabi nila.
May nagbiro pa: napapagod ang siklista, pero buo pa rin ang bisikleta.
Ganito ang sambit ng ilang bikers na aking kahuntahan—mataas ang tiwala sa produktong dayuhan, lalo na mula Japan.

Ngunit habang hinahangaan natin ang imported na bisikleta at piyesa, bihira natin itanong kung saan nagmula ang mga materyales na ginamit para rito.
Noong 2015, nakausap ko ang isang Hapones na naghahanap ng lokal na kompanya sa Filipinas na nagtutunaw (smelting) ng aluminum scrap para gawing bara.

Ang layunin niya: bumili ng aluminum ingots dito at dalhin sa Japan para gawing finished products. Dito ko mas malinaw na nakita ang problema.
Sa Filipinas, ang industriya ng aluminyo ay halos nakatuon lamang sa recycling at secondary smelting. Hanggang ingots lang ang produksiyon. Ang paggawa ng mag wheels, bike parts, at iba pang tapos na produkto ay ginagawa sa ibang bansa.
May datos na nagpapakita na nagluluwas ang Filipinas ng aluminum ingots sa Japan at iba pang bansa—ngunit tayo rin ang bumibili ng mas mahal na finished products.

Hindi bababa sa 12 exporters na nagpapadala ng mga produktong aluminyo sa mga internasyonal na merkado—kabilang ang Japan—sa pagitan ng Hunyo 2024 at Mayo 2025.
Ito ang mukha ng isang extractive at dependent na ekonomiya: hilaw ang iniluluwas, yaring produkto ang inaangkat.
Kabalintunaam nito, mayaman ang Filipinas sa likas na yaman. Ika-5 tayo sa mundo sa nickel reserves, may malalaking deposito ng ginto at tanso, at may bauxite deposits sa Samar na maaaring pagmulan ng aluminyo.
Ngunit sa kabila nito, wala tayong matibay na pambansang industriya.
May trabaho, pero mababa ang sahod. May produksiyon, pero walang kontrol.
May yaman, pero kulang ang pakinabang ng manggagawa.
Panawagan ng Manggagawa (sub title)
Sa aking panayam sa ilang lider manggagawa ay halos magkatugma ang kanilang hangarin at panawagan.
Anila, panahon na upang itulak ang pambansang industriyalisasyon—isang planadong pag-unlad ng industriya na pinangungunahan ng estado, nakasentro sa manggagawa, at nagsisilbi sa pangangailangan ng sambayanan, hindi sa dikta ng pandaigdigang merkado.
Panawagan ng uring manggagawa sa mga mambabatas na magtatag ng lokal na industriya mula pagmimina hanggang finished products;
tiyakin ang disenteng sahod, regular na trabaho, at kaligtasan sa pabrika;
wakasan ang patakarang nagluluwas ng hilaw na yaman at nag-aangkat ng mamahaling produkto mula rito.
“Habang inuuna ang dayuhang pamumuhunan kaysa sariling industriya, mananatili tayong tagaluwas ng hilaw na materyales pero tagabili ng mamahaling produkto—at mananatiling mailap ang tunay na kalayaan sa ekonomiya,” ika nga ni Atty. Ernesto “Lawin” Arellano, Tapangulo ng National Confederation of Labor.
Hindi sapat ang magaan na bisikleta kung mabigat pa rin ang pasanin ng manggagawang Filipino. Ang tunay na kaunlaran ay dapat likhain dito—ito ay binubuo—ng manggagawang may dignidad, industriyang may direksiyon, at estadong nagsisilbi sa sambayanan na hindi para sa dayuhan.
Sa kabila ng hinaharap na mabibigat na isyu para sa tunay at pambansang industriyalisasyon patuloy tayong umaasa at gumagawa.
Padayon kauring anakpawis.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com