MAHIGIT 300 militanteng manggagawa na pinangungunahan ng Kilusang Manggagawang Socialista (SOCiALiSTA) ang nagsagawa ngayong umaga ng kilos-protesta na nagtipon sa University of Santo Tomas (UST sa España Blvd., Sampaloc, Maynila at magmamartsa patungong Mendiola upang igiit ang anila’y pagbuwag sa bulok at elitistang sistema at ang pagtatatag ng tunay na gobywrno ng masa.
Bahagi ng pagkilos ang simbolikong pagbuwag sa estrukturang kumakatawan sa korupsiyon —bilang pagpapahayag ng galit ng mamamayan sa walang katapusang imbestigasyon sa Senado, Kongreso, at ICI na walang nauuwi sa pananagutan.
Ayon kay Ding Villasin, tagapagsalita ng SOCiALiSTA, patuloy na pinahihirapan ng malawakang korupsiyon ang mamamayang Filipino, lalo sa gitna ng pagbabago ng klima at pagkabulok ng mga impraestruktura.
“Hindi lang mga tulay at dike ang winawasak ng katiwalian — buhay at dangal ng mamamayan ang isinasakripisyo. Ang mga elitistang polotiko ang patuloy na nakikinabang sa paghihirap at trahedya ng bayan,” ani Villasin.
Idinagdag pa niyang bilyon-bilyong piso ang nilulustay taon-taon sa mga insertion at kickbacks ng mga mambabatas at kontraktor, habang ang mahihirap ang laging biktima ng pagbaha, kawalan ng tahanan, at kagutuman.
Nanawagan ang SOCiALiSTA sa uring manggagawa—ang mayorya ng lipunan at tanging yaman ang lakas-paggawa—na pangunahan ang laban para wakasan ang paghahari ng mga elitista.
“Panata namin na pukawin, organisahin, at pakilusin ang masang Filipino hanggang sila mismo ang magpasya—buwagin ang gobyernong corrupt at itayo ang gobyerno ng masa —- isang sistemang tunay na naglilingkod sa bayan,” pagtatapos ni Villasin. (TEDDY BRUL)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com