KINILALA at pinuri ng Senado ang Padel Pilipinas matapos ang makasaysayang tagumpay nito sa 2025 Asia Pacific Padel Cup (APPC) na ginanap sa Selangor, Malaysia.
Walang talo ang pambansang koponan sa buong torneo, matapos talunin ang mga malalakas na koponan mula sa Malaysia, Hong Kong, Thailand, South Korea, Pakistan, Singapore, at India upang tanghaling kampeon sa rehiyon.
Nagbigay ng omnibus sponsorship speech si Senadora Pia Cayetano, founder ng Padel Pilipinas, kung saan pinuri niya ang mga atleta at mga coach, at kinilala ang natatanging mga manlalaro na sina Joanna Tao Yee Tan at Johnny Arcilla, na tinanghal na Female at Male MVPs ng APPC.
Inaprubahan din ng Senado ang mga resolusyong bumabati kina Tan at LA Cañizares para sa kanilang tagumpay sa Mixed Pro title sa APPT Kuala Lumpur Open, at kay Tan para sa kanyang Pro Female championship sa APPT Bali Open.
“Nasaksihan ko ang pag-usbong ng ating koponan mula sa isang pangarap tungo sa isang maningning na tagumpay. Ang makita silang nagwagi at ang ating watawat na iwinagayway sa pandaigdigang entablado ay katuparan ng isang bisyon,” sabi ni Cayetano. “Bitbit ng ating mga atleta ang ating watawat nang may dangal, nagsilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon, at nagsulat ng kasaysayan para sa palakasan ng Pilipinas.” (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com