PARA kay Chairman Emeritus, Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw ang mga salitang binitiwan na may paninindigan: wala kang dapat ikahiya kapag ipinaglalaban mo ay ang bayan.
Ito ang matapang na tugon ni Chairman Emeritus Goitia, kilalang tagapagtanggol ng soberanya ng Filipinas matapos umalma ang Chinese Embassy sa matapang na pahayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro tungkol sa West Philippine Sea (WPS)
“Hindi ito pambabastos. Hindi ito pagyayabang. Ito ay simpleng pagtatanggol sa karapatan natin bilang isang Filipino,” ani Goitia.
Hindi siya nagulat sa reaksiyon ng China. Aniya, matagal nang ginagamit ng China ang impluwensiya at kapangyarihan para patahimikin ang mga kumokontra sa kanila.
“Kapag may nagsalita nang direkta at makatotohanan, tinatawag agad nilang ‘destabilizing.’ Pero sa totoo lang, iyon ang kailangan natin, ‘yung mga lider na hindi takot magsabi nang totoo,” dagdag ni Goitia.
Pinuri niya ang pagiging prangka ni Sec. Teodoro na nagsabing hindi Amerika ang dahilan ng tensiyon sa karagatan kundi ang mismong agresyon ng Tsina.
Aniya, ilang taon na tayong ginagapang, pinapasok, at inaagawan sa sarili nating teritoryo. Kapag may pumasok ba na hindi natin kilala sa ating bahay, ang kailangan ba nating sisisihin ay ang ating kapitbahay o dapat ay komprontahin natin ang nanghihimasok sa ating lugar.
“At ngayon na may opisyal na matapang na nagsalita para sa atin, aatras pa ba tayo? Hindi na puwedd. Suportahan natin ang katotohanan. Suportahan natin ang Filipinas. Suporthan natin ang kinabukasan ng mga Filipino,” diin niya.
Pero hindi lang pagtindig ang punto ni Goitia, may dalang solusyon din siya.
“My four-cents suggestion on the WPS: balikan natin ang December 1987 Manila Declaration ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), lalo na ang ZOPFAN o ‘Zone of Peace, Freedom and Neutrality’ sa West Philippine Sea,” pahayag niya. “Hindi tayo aasenso kung laging may veto power ang China sa United Nations Security Council. Kailangan ng sama-samang hakbang ng ASEAN para baguhin ang sistema.”
Para kay Goitia, ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno, kundi ng bawat Filipino. Hindi ito dapat politika lang. Buhay at kabuhayan ang nakataya.
“Yung isda, yaman, at seguridad diyan, para sa Filipino ‘yan. At kung mananahimik lang tayo, may ibang kukuha niyan,” paalala niya.
Ang panawagan ni Goitia ay simple: huwag matakot tumindig, huwag ikahiya ang pagiging makabayan.
“Wala tayong ginagawang masama. Ang mali ay ‘yung tahimik na pumapayag. At hindi na tayo dapat maging ganoon,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (BONG SON)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com