BAGAMAT aminado sa presyon ng pagiging host country, nananatiling positibo si Karl Eldrew Yulo na magtatagumpay siya sa harap ng mga kababayan sa 3rd Artistic Gymnastics Junior World Championships na gaganapin mula Nobyembre 20 hanggang 24 sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom, Newport World Resorts, Pasay City.
“Nais kong makapagpakita ng magandang performance dahil gusto kong maging isa sa pinakamahuhusay na junior gymnast sa buong mundo,” pahayag ni Yulo, nakababatang kapatid ng Paris Olympic double gold medalist na si Carlos Edriel Yulo, sa forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex nitong Martes.
Dagdag pa ng 17-anyos na atleta, “Ito ang aking pangunahing international competition ngayong taon, at sa tulong ng Diyos, nais kong ipakita ang aking pinakamahusay sa buong mundo.”
Nagsanay si Yulo ng isang buwan sa Nagoya, Japan sa ilalim ng Japanese coach na si Munehiro Kugimiya, sa tulong ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) na pinamumunuan ni Cynthia Carrion.
Ayon kay Carrion, hindi niya lalagyan ng matinding pressure si Eldrew. “Masaya na ako kung makakamit niya ang silver medal sa world juniors,” aniya.
Ipinagmamalaki rin ng GAP president na nakuha ng Pilipinas ang hosting rights para sa prestihiyosong kumpetisyon, sa kabila ng matinding interes mula sa iba’t ibang bansa, partikular sa Europa. Inanunsyo ng International Gymnastics Federation (FIG) ang pagkakaloob ng karapatang mag-host sa Pilipinas sa kanilang kongreso noong nakaraang taon sa Doha, Qatar.
Tinatayang 600 atleta mula sa halos 80 bansa ang sasabak sa kumpetisyon, na suportado ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus.
Makakasama ni Yulo sa laban ang US-based na si Elisabeth Antone, bronze medalist sa Asian Junior Gymnastics Championships na ginanap noong Hunyo sa Jecheon, South Korea.
Ipinaliwanag ni Carrion na limitado ang bilang ng kalahok ng bawat bansa dahil hindi nakasali ang Pilipinas sa ikalawang edisyon ng torneo sa Antalya, Turkey dalawang taon na ang nakalilipas. Kaya’t tig-iisang atleta lamang ang maaaring ilahok sa boys at girls categories.
Gayunpaman, mataas pa rin ang pag-asa ni Carrion para sa dalawang kinatawan ng bansa. “Alam nating inspirasyon sa mga atleta ang suporta ng mga Pilipino. Sigurado akong buo ang cheer ng mga kababayan para kina Yulo at Antone,” aniya.
Ito rin ang huling pagsabak ni Eldrew Yulo sa junior division bago lumipat sa senior level sa susunod na taon. “Ito ang una at huling pagkakataon kong makalaban sa world juniors, at dito pa sa Pilipinas. Kaya may konting pressure talaga,” ayon sa batang atleta, na nag-uwi rin ng bronze sa vault event sa Asian juniors.
Plano ni Carrion na ipagpatuloy ang training ni Yulo sa Japan kasama si Coach Kugimiya bilang paghahanda na rin para sa Los Angeles Olympics 2028.
Nagpasalamat din si Carrion kay FIG President Morinari Watanabe sa pagtulong para maibigay sa Pilipinas ang karapatang mag-host, bunga ng tagumpay ng nakatatandang Yulo sa nakaraang Olympics.
“Ibinigay ito sa atin dahil nakapag-produce tayo ng Olympic golds. Magiging napakaganda para sa Pilipinas na makakita ng world champion sa sariling bayan. Isang malaking tagumpay ito kung maisakatuparan ni Karl,” pagtatapos ni Carrion. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com