DAHIL sa laki ng pinsalang iniwan sa mga palayan at sakahan ng bagyong Santi na umaabot na sa P3 bilyon, iginiit ng isang mambabatas ang dagling pangangailangan sa pagtatatag ng Agricultural Weather Office sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA) upang bigyan ng sapat na impormasyon na tutulong sa magsasaka upang maiwasan ang lubusang pagkalugi.
“Taon-taon, milyon-milyong puhunan at halaga ng pananim ang nawawala dahil sa hindi napaghandaang pananalasa ng panahon,” ayon kay Agri – Agra na Reporma para sa Magsasakang Pilipinas Movement (Agri) party-list Rep. Delphine Gan Lee.
“Ang mga pagkaluging ito ay dala ng kawalan ng impormasyon tungkol sa panahon na magbibigay ng babala sa mga magsasaka, upang sila’y makapaghanda sa pagdating ng mga kalamidad.”
Ang panukalang batas ni Gan Lee ay “naglalayong itatag ang Agricultural Weather Office (AWO) na ang pangunahing katungkulan ay ang pagkalap at pamamahagi ng mga impormasyong tutugon sa pangangailangan ng mga nasa sektor ng pagsasaka.”
Kung maisasabatas, ang AWO ay magsisilbing “tagaplano at tagapangasiwa ng National Agricultural Weather Information System.”
Iaatas ng nasabing batas sa DA, sa paraan ng AWO, na makipagtulungan sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan sa pagsasagawa ng mga proyekto hinggil sa (1) pagtaya at pagmamasid sa galaw ng panahon na nakatuon sa agrikultura; (2) magsagawa ng nga pagsasanay ng mga “agriculturalists” upang pakinabangan ang mga datos ng panahon at klima na angkop sa agrikultura; (3) makipagtulungan sa paggawa ng mga bagong “computer models” at bagong kakayahan gamit ito; (4) pagbutihin ang kalidad at kasapatan ng impormasyon sa panahon at klima na kinakailangan ng mga “agriculturalists;” at (5) kumuha ng mga “standardized” at “real-time” na datos hinggil sa panahon sa pamamagitan ng regional Agricultural Weather Information Systems.
Ayon sa PAGASA, nasa 20 bagyo ang karaniwang pumapasok sa bansa taon-taon. Ang pinakaraming nananalasang bagyo ay noong 1993 na nasa 32 nito ang naitala samantala noong 1998 naman naitala ang pinakamababang bilang ng bagyong pumasok sa bansa na 11 lamang.
Sa kasaysayan, ang mga bagyong pumapasok sa huling bahagi ng taon ang pinakamalakas. Tatlo sa mga ito, sa nagdaang tatlong taon, ay nanalasa nang husto mula buwan ng Setyembre hanggang Disyembre. Ang bagyong nananalanta ng pinakamalaking halaga sa mga palayan ay noong Oktubre 2010, na halos 523,013 MT ng aanihing palay ang nawala dahil sa pananalasa ng bagyong Juan.
Ang mga naunang estimasyon sa pinsalang iniwan ng bagyong Santi sa aanihing palay ay nasa P3 bilyon. Habang hindi pa rin naisasapinal ng DA ang kanilang datos sa bulto at halaga ng pinsala sa palay ng nasabing bagyo at kahit na inirekomenda na ng NEDA ang agarang pag-angkat ng kalahating milyong metriko toneladang bigas upang tiyakin ang kasapatan sa bansa, iginigiit pa rin ni DA Sec. Proceso Alcala wala nang balak pang umangkat ang bansa ng karagdagang bigas.
Ayon naman sa ekonomistang si Dr. Roehlano Briones, senior research fellow sa Philippine Institute for Development Studies, kailangan muling bumalangkas ang pamahalaan ng mas bukas na patakaran sa importasyon nito.
“Kahit wala pa ang pananalanta ng kalamidad, kailangan natin ng mas maluwag na patakaran sa importasyon ng bigas. Lalo na ngayong malaki ang pinsalang dala ng bagyong Santi,” ayon kay Briones.
Idiniin pa ng ekonomista mula sa UP na makababawas nang husto sa presyo sa mga lokal na pamilihan ang pag-angkat ng bigas.
Ang rekomendasyon ni Briones ay walang kaibahan sa payo ni NEDA Director General Arsenio Balisacan sa kanyang Memorandum for the President, na may petsang Setyembre 10 2013, hinggil sa importasyon ng kalahating milyong metriko toneladang bigas.
Tinaya ni Balisacan sa nasabing memo, “kahit tumabo o pumalo pa ang produksyon ng palay sa huling bahagi ng taon, inaasahan pa rin ang kakulangan sa produksyon nito nang mula 0.5 million MT hanggang 1.4 million MT.”
Sa mga nakaraang policy statements ng NEDA, nanindigan ito na ang pag-angkat ng bigas ay dapat na nasa “pangunahing saklaw ng pribadong sektor” sa gitna ng mga naunang pagbubunyag ng katiwalian tuwing isinasagawa ng gobyerno.
Kamakailan lamang, nasangkot na naman sa anomalya ang DA at ang National Food Authority (NFA) dahil sa umano’y overpricing ng 205,700 MT ng bigas mula sa Vietnam na inangkat sa ilalim ng government-to-government transaction. Ang nasabing maanomalyang transaksyon ay nagtulak sa Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang magsagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon.
Sa mga nasabing pagdinig, kinompronta ng mga mababatas ang DA at ang NFA upang sagutin ang mga paratang na overpriced ang nasabing transaksyon at ito’y umabot ng P457 milyon, pati na ang mga kwestyon sa kakulangan sa suplay ng bigas na naging dahilan ng pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan na naitalang nasa “all-time high.”
HATAW News Team