
HATAW News Team
ARESTADO ang isang 48-anyos driver matapos ikulong ang kaniyang asawa at anak na babae sa loob ng isang container truck sa Baseco Compound, lungsod ng Maynila, sa loob ng tatlong araw.
Kinompirma ng Manila Police District (MPD) na kanilang dinakip nitong Linggo, 9 Pebrero, batay sa sumbong kaugnay ng insidente na nag-ugat sa matagal nang pagseselos ng suspek.
Ayon sa ulat ng pulisya, dinala ng suspek, na kinilalang si Alvin Vizcarra, ang kaniyang mag-ina sa isang nakaparadang container truck sa Baseco, at puwersahang ikinulong sila sa loob.
Matatagpuan ang walang lamang container truck sa hindi mataong bahagi ng lugar at walang paraan upang makatakas ang mag-ina.
Iniulat sa mga awtoridad ang insidente matapos pakawalan ng suspek ang kaniyang mag-ina at payagang umuwi sa Bulacan makalipas ng tatlong araw.
Nang makauwi, agad tumawag sa pulisya ang biktimang misis ng suspek at isinumbong ang insidente.
Isinumbong din ng biktima ang pisikal na pang-aabuso ng asawa bago pa man ang insidente ng pagkulong sa kanilang mag-ina sa loob ng truck.
Nahaharap ngayon ang suspek sa dalawang bilang ng kasong serious illegal detention at paglabag sa mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga bata mula sa pang-aabuso.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com