PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na magkabit ng kable sa Islang Puting Bato, sa Tondo, Maynila, nitong Miyerkoles, 18 Disyembre.
Ayon sa ulat, may mga bahay pang walang koryente dahil sa malaking insidente ng sunog na naganap sa lugar ilang linggo na ang nakalipas.
Dahil dito, naisipang ikabit ng biktima ang kanilang koryente sa pamamagitan ng ‘jumper’.
Ayon kay P/Capt. Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section, nagulat ang mga residente sa lugar dahil biglaang bumagsak ang biktima kasunod ng tila may pumutok mula sa taas ng poste.
Idineklarang dead on arrival ang biktima sa pagamutan sanhi ng mga sunog sa kaniyang dibdib at mga sugat sa kaniyang ulo at mga binti.
Samantala, nagbabala ang Manila Electric Company (Meralco) na labag sa batas ang pagnanakaw ng koryente.
“Huwag na po natin gawin ‘yan kasi either mahuli tayo ng alagad ng batas o masaktan o mahulog tayo kung mataas ‘yung tina-tap-an natin,” pahayag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.