NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto at ang buong Asenso Manileño team sa senior citizens ng Maynila.
Ang aktibidad ay nataong kasabay ng payout ng senior citizens allowances para sa mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2024.
Nabatid sa tanggapan ni Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto na ang lungsod ay kasalukuyang may 191,144 seniors citizens at bawat isa ay tatanggap ng P2,000.
Ang halaga ay kumakatawan sa P500 buwanang allowance na bahagi ng special amelioration program (SAP) na ipinasa ng Manila City Council nang si Lacuna pa ang presiding officer.
Bukod sa senior citizens, ang mga beneficiaries ng nasabing programa at tumatanggap din ng monthly allowance ay ang mga persons with disability, solo parents at mag-aaral mula sa dalawang city-run universities na kinabibilangan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at ng Universidad de Manila (UDM).
Kasabay nito, nagbigay din ng tulong pinansiyal sina Lacuna at Servo sa may kabuuang 244 residente na nagpapagamot sa sakit na cancer at nagda-dialysis.
Ang mga pasyente ay personal na hinarap at binigyan nina Lacuna at Servo ng tulong sa People’s Day, regular na ginagawa sa Bulwagang Villegas ng Manila City Hall.
Ang nasabing programa ay regular na inisyatibo ng administrasyon ni Lacuna bilang pagkilala sa pangangailangan ng mga residente na dumaranas ng cancer at sakit sa kidney.
“Nais po ng pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng ganitong simpleng paraan ay makapagbigay kahit paano ng tulong para sa inyong pagpapagamot,” ani Lacuna. (BONG SON)