RATED R
ni Rommel Gonzales
NAKAWIWINDANG ang pelikulang My Future You.
Bago namin panoorin ang pelikula sa celebrity premiere nito, wala kami kahit anong expectations mula sa pelikula nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Basta ang alam namin, manonood kami ng isang pelikulang pampakilig.
Bago pa man magsimula ang screening, isang kasamahan sa panulat na katabi namin ang nagsabing ang dinig niya, isa ang My Future You sa pinaka-magandang pelikulang entry sa 50th Metro Manila Film Festival.
At iyon na nga, mula sa simula hanggang matapos, OA man sabihin ay napanganga kami sa Regal Entertainment Inc. movie… ang ganda!
Halos walang flaw ang pagkakasulat ng kuwento, ang husay ng direksiyon ni Crisanto Aquino, ang tindi ng cinematography at production design, kitang-kita ang pagkakaiba ng taong 2009 at 2024.
For sure may mga ginamitan ng CGI pero hindi halata.
Pero ang pinaka sa pinaka, iyong Seth. Jusmio, napakahusay pala niyang artista?!
Ang mga mata, ang ekspresyon ng mukha, ang boses at delivery ng linya, ang pangingilid ng luha (na sumasabay din ang mga luha namin dahil dalang-dala kami sa husay niya)… matindi si Seth.
Dati, ang basa namin kay Seth, isang Daniel Padilla copycat, pero matapos mapanood ang My Future You, binabawi na namin ang aming unang impresyon; Seth Fedelin is Seth Fedelin.
Ibang-iba siya kay Daniel Padilla.
At his young and tender age, ipinakita ni Seth na isa siyang mahusay na artista, at maaaring pinakamahusay sa kanyang henerasyon.
May kalaban na sina Arjo Atayde (for Topakk), Dennis Trillo (for Green Bones), Piolo Pascual (for The Kingdom), at Aga Muhlach (for Uninvited).
At maaaring totoo ang sapantaha ng marami, dark horse ang My Future You, dahil sa word of mouth, malaki ang posibilidad na umani ito ng mga nominasyon sa gabi ng parangal at tagumpay sa takilya.