HATAW News Team
TATLONG miyembro ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ang namatay sa isinasagawang jamborette sa lungsod ng Zamboanga, nang makoryente nitong Huwebes ng umaga, 12 Disyembre.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na inutusan ang limang estudyante na ilipat ang isang tent mula sa gilid ng kalsada patungo sa camping area sa Freedom Park, sa Brgy. Pasonanca.
Hindi alam ng mga estudyante na nakadikit ang isang bahagi ng tent sa nakabiting live wire dahilan upang tumilapon ang mga boy scout.
Agad nagresponde ang emergency team sa lugar upang sagipin ang mga estudyante.
Binawian ng buhay ang tatlo sa kanila, habang nananatiling ginagamot ang 10 iba pa sa ospital.
Tinatayang nasa 2,800 boy scouts mula sa iba’t ibang mga paaralan sa lungsod ang lumahok sa jamborette na nagsimula kahapon at nakatakdang matapos sa Linggo, 15 Disyembre.
Ipinatigil ni Zambaonga City Mayor John Dalipe ang jamborette matapos makipagpulong sa mga opisyal ng BSP, pulisya, at barangay.
Samantala, agad sinundo ng mga magulang ng mga estudyante ang kanilang mga anak nang malaman ang insidente.