SAMPUNG indibiduwal ang inaresto ng pulisya matapos maaktohan na tinatangkang hukayin ang bakod at concrete footing ng Inang Filipina Shrine, isang historical tourist site sa Brgy. Real De Cacarong, Pandi, Bulacan.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Colonel Satur L. Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, isang ulat ang natanggap ng Pandi Municipal Police Station (MPS) mula kay Barangay Captain Alejandro Angeles ng Brgy. Real De Cacarong at ipinaalam na may grupong naghuhukay sa lugar at balak na gumawa ng tunnel.
Agad nagpunta sa lugar ang mga nagrespondeng pulis at naispatan ang sampung suspek na nahuli sa aktong naghuhukay ng anila ay kayamanan nang walang kinakailangang permit.
Nakompiska sa mga suspek ang dalawang pala, isang crowbar (bareta), isang jungle bolo, dalawang flashlight, isang mining detector, at isang puting Toyota Hi-Ace commuter van na may plakang AWA 975.
Ang aksiyon ng pulisya ay nagbibigay-diin sa pangako ng mga tauhan ng Pandi MPS sa pagprotekta sa mga makasaysayan at kultural na pamana mula sa mga ilegal na aktibidad.
Ang mga naarestong indibiduwal ay kasalukuyang nahaharap sa mga kaso sa ilalim ng R.A. 7942 o ang (Philippine Mining Act Of 1975), at ang mga karagdagang legal na paglilitis sa mga suspek ay isasagawa. (MICKA BAUTISTA)