NANAWAGAN si San Josedel Monte City Lone District Representative Rida Robes sa pambansang pamahalaan na maglunsad ng imbentaryo sa lahat ng daluyan ng tubig na barado ng mga basura o pinigil ng permanentong estruktura para makabuo ng pormula ng isang epektibong action plan kung paano tutugon o maglalapat ng solusyon laban sa malawakang pagbaha sa bansa.
Sa kanyang privilege speech, hinikayat ni Robes ang solidong diskarte ng buong pamahalaan upang makahanap ng kongkretong solusyon para labanan ang paulit-ulit na problema ng pagbaha lalo kapag may dumarating na bagyo na umaabot sa bilyon-bilyong piso ang napipinsala sa mga propriyedad, produktong agrikultural, at mga buhay.
Ani Robes, base sa Climate Change Knowledge Portal, mula noong 1990, ang bansa ay nakaranas ng halos 565 pagbaha, bagyo, lindol, tsunami, at pagguho, na halos nagkakahalaga ng US$23-bilyong pinsala.
Idinagdag ni Robes, dahil ang lokasyon ng bansa ay nasa Northwestern Pacific Basin, hindi nakapagtataka na halos 20 bagyo kada taon ang pumapasok sa
Philippine Area of Responsibility (PAR).
“Noong Hulyo 2024, apektado ng bagyong Carina ang mahigit isang milyong pamilya sa regions 1, 2, 3, 5, 6, 7, 10, CALABARZON, MIMAROPA, at National Capitol Region (NCR). Sa nakaraang pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol region, sinalanta nito ang transportasyon para sa mga kalakal at mga serbisyo, maraming Pinoy ang inilikas dahil nasira o nawalan ng tirahan, bilyon-bilyong ari-arian ang napinsala, at maraming tao ang namatay; umapaw ang mga ilog at ibang daluyan ng tubig, kabilang ang 94-km Bicol river.
Ang pagbaha sa mga rehiyong nabanggit ay pinalala ng kawalan ng maayos na kanal o paagusan o kaya’y barado ang mga daluyan ng tubig.”
Ang kapalarang gaya nito, ayon sa lady solon, ay pangakaraniwang nangyayari sa bansa na lalong lumalala sa paglipas ng bawat taon.
“Dahil dito kaya ako’y nananawagan sa mga miyembro ng makapangyarihang kamara, ngayon ang krusyal na panahon para gumawa ng mga batas na magbibigay ng karagdagang proteksiyon sa ating kaligiran, sa mga daluyan ng tubig, para sa pagpapatibay ng flood control projects, upang bawasan o pagaanin ang mga panganib sa sakuna at umangkop sa mga epekto ng nagbabagong klima. Ano ang ating gagawin upang tugunan ang mga nasabing isyu?” himok ni Robes sa mga kapwa mambabatas.
“Una, kailangan ang imbentaryo sa mga daluyan ng tubig, sa mga kontroladong paagusan ng tubig mula sa dam, at ang mga pambansang pinagkukunan ng yamang-tubig. Ikalawa, kailangan tukuyin ang mga hadlang, basura man ito o pansamantalang impraestruktura, na kailangan ng mga hakbang para tugunan. Kinakailangan natin pagtibayin ang mga kasalukuyang batas ukol sa pagtatapon ng basura, at sa pamamahala at paggawa na tutulong sa atin na makaangkop sa ‘new normal’, ang internasyonal na tawag o terminong ginagamit upang ilarawan ang isang likas na matinding sakuna dala ng nagbabagong klima. Ikatlo, kailangan natin pag-aralan ang inobasyon ng teknolohiya para sa paghahanda, mitigasyon, at adaptasyon laban sa sakuna — habang tinutukoy ang pinakamabubuting hakbang tungo sa isang matibay na bansa,” mungkahi ni Robes.
“In conclusion, I would like to call on all of you, to rally behind a more environment – conscious nation, one that is prepared to face natural disasters and adapt to the changing times. Let us commit ourselves to building a ready and resilient society,” pagwawakas ng lady solon.
Photo Caption:
NAGSASALITA si San Jose Del Monte Lone District Rep. Rida Robes sa harap ng mga kapwa mambabatas sa Kamara kaugnay ng pagtugon laban sa patuloy at lumalawak na pagbaha sa bansa tuwing nagkakaroon ng bagyo.