PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang pamilya na naapektohan ng severe tropical storm na si Kristine sa Talisay, Batangas.
Matindi ang naging pinsala ni Kristine sa nasabing lugar. Kasama ng First Lady ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary for Regional Operations na si Paul Ledesma, ang DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) na si Diana Rose Cajipe, at ang DSWD-Calabarzon Regional Director na si Barry Chua.
Nakidalamhati rin sila sa mga pamilyang namatayan ng kaanak dahil sa hagupit ng nasabing bagyo.
Ang distribution ng ayuda ay parte ng isinasagawang programa ni Mrs. Marcos sa pamamagitan ng Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat (LAB for ALL).
“We gathered to honor those lives and to extend a helping hand to those who now face the journey of rebuilding,” sabi ni First Lady.
Pinasalamatan din ni Mrs. Marcos ang DSWD, ang Digiplus, ang Lab ForAll at ang lahat ng mga private partners sa kanilang mga tulong at suporta, “Thank you for standing by our kababayans during this difficult time. Your compassion and dedication bring light and hope.”
Sumama sa pamamahagi ng tulong si Batangas Governor Hermilando Mandanas, Vice Governor Mark Leviste, at Talisay Mayor Nestor Natanauan.
Samantala, sinabi ng DigiPlus Interactive chairperson na si Eusebio “Yosi” Tangco, ang kanilang grupo ay magbibigay ng cash assistance sa mga pamilyang namatayan ng kaanak dahil sa nanalasang bagyo. Ito ay para magamit nila bilang panggastos sa pagpapalibing at sa muling pagpapatayo ng mga nasirang bahay.
Ito ay bukod pa sa burial assistance ng DSWD na nagkakahalaga ng P10,000, na ibinigay noong November 4 nang bumisita sa mga lugar na winasak ng bagyo si President Ferdinand Marcos, Jr., sa lalawigan ng Batangas.