GOOD news para sa pet lovers.
Binuksan na ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pet clinic and animal shelter sa Vitas, Tondo, pati na rin ang bagong matadero kung saan sinabi ng alkalde na makatitiyak ang lahat ng mga namamalengke ng malinis at ligtas na mga karne.
Ang nasabing facilitites, ayon sa alkalde ay mahalaga at makabubuti sa mga residente ng lungsod na kumukonsumo ng karne araw-araw, pati sa mga fur parents.
“Itong slaughterhouse na itinuturing na bahagi ng ating food supply chain ay planta kung saan ipinoproseso upang maging karne ang mga hayop tulad ng baboy at baka kalaunan ay maaaring kainin ng mga tao. Sa pagkakaroon ng malinis at maayos na slaughterhouse ay mabibigyan tayo ng katiyakan na de-kalidad din ang mga karne na madadala sa mga pamilihan dito sa ating lungsod,” sabi ni Lacuna.
Idinagdag ng alkalde na: “Inaasahan natin ang masusing pagsusuri na gagawin ng ating veterinary inspectors sa ilalim ng ating VIB na pinamumunuan ni Dr. Nick Santos upang siguraduhin na walang sakit, walang dalang anumang mikrobyo ang mga hayop na dinadala dito sa Vitas at lahat ng mga karneng manggagaling dito at dadalhin sa mga pamilihan ay sertipikadong walang panganib na maaaring makaapekto sa mga mamimili. Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng proteksiyon ang kalusugan ng taongbayan.”
Ayon kay Lacuna, ang bagong Animal Shelter and Pet Clinic ay layuning tulungan ang mga may alagang aso at pusa.
“Batid ng marami na ang pagkakaroon ng pet ay magandang stress reliever. Totoong nakatatanggal ng pagod kapag pag-uwi mo sa bahay ay sasalubungin ka ng masaya at aktibong alaga mong hayop. Sabi nga po, mas masarap pa minsan na kasama ang alagang hayop dahil mas loyal pa silang kaibigan,” ani Lacuna, na nabatid na may alagang 15 aso.
Nanawagan si Lacuna sa lahat ng residente ng Maynila na alamin ang mga responsibilidad kapag bumibili o tumatanggap ng alagang hayop.
Ayon pa sa alkalde, ang mga alagang hayop ay maaaring dalhin sa clinic/ shelter kung saan sila puwedeng gamutin nang libre.
Bukod sa x-ray, laboratory, at surgery rooms, ang facility ay nagbibigay din ng pet grooming.
Sinabi ni Lacuna na ito ang magsisilbing city pound kung saan ang mga asong palaboy ay dadalhin.
“Nagpapasalamat tayo sa bawat Manilenyo na gumaganap sa kanilang tungkulin bilang mabuting mamamayan. At kami naman sa pamahalaan ay nagsisikap na maging masinop, maingat at maging wasto sa paggamit ng pondong nagmula sa ating lahat na taxpayers. Alay namin ni Vice Mayor Yul Servo Nieto ang lahat ng proyektong inilulunsad natin kasabay ang mga programa at serbisyong inihahatid natin diretso sa tao. At asahan po ninyo na Manilenyo ang laging Una kay Dra. Honey Lacuna,” (BONG SON)