Monday , December 23 2024

Opisyal ng KWF na promotor ng red-tagging ‘patalsikin’

040524 Hataw Frontpage

HATAW News Team

NANAWAGAN ang makata, premyadong manunulat, at dating Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Jerry Gracio sa mga manunulat, akademiko, at sa sambayanang Filipino na hilingin ang pagpapatalsik sa opisyal ng ahensiya na promotor ng red-tagging.

               Sa kanyang naunang pahayag, tinukoy ni Gracio ang mga komisyoner na sina Benjamin Mendillo at Carmelita Abdurahman na responsable sa ‘kasuklam-suklam’ na red-tagging laban sa mga manunulat at libro na ang Komisyon mismo ang naglathala.

               “Sa unang araw ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan, nananawagan ako sa mga kapuwa manunulat at tagapagtaguyod ng panitikan at mga wika sa Filipinas na hilingin sa mga kinauukulan na patalsikin sa puwesto ang dalawang Komisyoner sa Komisyon sa Wikang Filipino na nan-red tag ng mga manunulat at libro na ang Komisyon mismo ang naglathala.”

Aniya, ang dalawang komisyoner ay banta sa buhay ng mga manunulat at salot sa panitikang Filipino.

               “At dahil Buwan ng Panitikan, hinihiling ko sa Board of Commissioners ng Komisyon sa Wikang Filipino na i-distribute na ang mga aklat na inilathala, pero ni-red tag nila.

“Sa pamamagitan nito, mapatutunayan ng Komisyon na tumitindig sila sa panig ng mga manunulat at mga iskolar, sa panig ng malayang pagpapahayag, at hindi sila nagpapa-bully sa makikitid ang utak.

“Isang Board Resolution lang ang katapat nito. Hayaang mabasa ng sambayanan ang mga aklat na isinulat ng mga manunulat at iskolar na Filipino,” diin ni Gracio sa kanyang pahayag.

               Inulit ni Gracio ang panawagan matapos ‘ibato’ ni Mendillo ang isyu ng red-tagging kay Punong Komisyoner Arthur Casanova.

Aniya, “malinaw sa mga dokumento at maging sa mga interbyu sa media na siya (Mendillo), ang pangunahing nan-red-tag sa mga awtor na inilathala ng KWF.

Isang halimbawa, ani Gracio, “ang interbyu sa ANC isang taon na ang nakararaan, sinabi niya na ang batayan ng pag-ban sa mga libro na sila mismo ang naglathala ay ang Anti-Terrorism Act. Nang tanungin siya ng host kung ano-ano ang mga bahagi ng libro na inaakusahan niyang ‘subersibo’ at labag sa Anti-Terrorism Act, wala siyang maisagot.”

Tahasang sinabi ni Gracio, “Siya ang pangunahing promotor ng red-tagging sa KWF. Nagkataon lang na medyo mahina ang loob ng Chair at madaling ma-bully, kaya tumakbo si SMNI, nagpa-interbyu sa mga host sa estasyon ni Quiboloy para paimbestigahan ang mga librong inirereklamo ni Mendillo, na nauna na nilang inilathala.”

               Mungkahi ng premyadong manunulat, “Para matapos ang usaping ito, hinihiling ko, bilang dating Komisyoner ng KWF at stakeholder sa usaping ito na makipag-diyalogo ang Kalupunan ng mga Komisyoner, lalo na si Punong Komisyoner Casanova, si Komisyoner Mendillo, at maging si Komisyoner Carmelita Abdurahman, at ang iba pang mga komisyoner, sa mga autor ng libro na hanggang ngayon ay naka-ban at hindi maipamahagi.”

Aniya, “bilang mga lingkod-bayan na pinapasuweldo ng buwis ng taumbayan, obligasyon ninyo na sagutin ang mga tanong ng bayan.”

Giit ni Gracio, “At dahil batay sa mga naunang interbyu, at sa kanyang mga pahayag ngayon, malinaw na hindi sinasagot kundi man nagsisinungaling si Komisyoner Mendillo, at kung may hiya siya, dapat siyang mag-resign.”

Ang mga librong ipinagbawal ng KWF ay ang “Teatro Politikal Dos” ni Malou Jacob; “Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kwentong Buhay” ni Rommel B. Rodriguez; “Tawid-diwa sa pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng batas Militar 1975-1979” ni Dexter B. Cayanes; “May Hadlang ang Umaga” ni Don Pagusara; at “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel M. Aguila.

Si Gracio ay dating Komisyoner ng KWF sa mga Wika ng Samar-Leyte noong  2013-2020.

About hataw tabloid

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …