HINAGISAN ng hindi kilalang lalaki habang sakay ng motorsiklo, ang harapan ng bahay ni dating Commission on Elections (Comelec) chairperson Sheriff Abas sa lungsod ng Cotabato nitong Martes ng umaga, 15 Agosto.
Ayon kay Sukarno Utto, administrador ng Brgy. Rosary Heights 3, sakay ang suspek ng itim na Yamaha NMax motorbike nang dumaan sa bahay ng mga Abas at maghagis ng granada dakong 7:30 am kahapon.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Utto, walang nasaktan o nasugatan sa insidente ng pagsabog ngunit may mga marka ng shrapnel ang ilang bahagi ng bahay na nasa loob ng bakod.
Lumapag ang granada sa mini-garden sa loob ng compound ng mga Abas sa Narra St., sa nabanggit na barangay.
Nabatid na wala si Abas nang maganap ang insidente ng karahasan.
Isang oras matapos ang insidente, naiulat na tinambangan ng hindi kilalang mga suspek ang sinasakyang pick-up ni Pedro Tato, Jr., hepe ng Cotabato City General Services Office (GSO); at kanyang driver na si Dandy Anonat, 30 anyos, na binawian ng buhay kalaunan.
Kinondena ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang dalawang insidente ng karahasan at nangako ng pabuyang P300,000 para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong tutukoy sa pagkakailanlan ng mga suspek.