RATED R
ni Rommel Gonzales
TILA bombang sumabog si direk Darryl Yap sa mediacon ng Martyr Or Murderer nitong Lunes ng gabi, February 20.
Nag-ugat ito sa paghingi ng members ng media kay Darryl ng reaksiyon tungkol sa mga naging pahayag nina direk Joel Lamangan at Cherry Pie Picache tungkol sa kanya.
Sa mediacon ng Oras de Peligro noong February 12, sinabi ni direk Joel na ang pelikula niyang magbubukas sa mga sinehan sa March 1 ang tinapatan ng Martyr or Murderer.
“Ibig sabihin, napaka-importante ng pelikulang ito kaya nila tinatapatan at takot sila,” pahayag ni direk Joel.
Buong tapang na sinagot ito ni direk Darryl, aniya, “Hindi niyo ako puwedeng sipa-sipain na lang.
“Direk Joel, kaoopera mo lang noong December. Paulit-ulit ko ‘yang sinasabi sa sarili ko para hindi humantong sa ganito, but you just don’t stop.
“Huwag kang magsinungaling na kami ang tumatapat sa ‘yo. Ikaw ang tumapat sa amin.
“Kung hindi matanggap ng ego mo na isang gaya ko lang ang tatapatan mo, problema mo na ‘yon.”
Sa naturang mediacon din ng Oras De Peligro, buong ningning na deklarasyon ni Cherry Pie ang, “May konsensiya pa ba siya?” nang tanungin kung papayag siyang maging direktor si Darryl sa isang pelikula.
Siyempre pa, hindi ito pinalampas ni direk Darryl.
“Kung ako po sa inyo Miss Cherry Pie… nanood ako kanina ng ‘Tanging Yaman’ kasi gustong-gusto ko siya roon para lang hindi ko siya pagsalitaan nang masakit.
“Ang kaibahan lang sa ‘Tanging Yaman,’ hindi siya iniwan ni Edu roon. Asawa kasi siya ni Edu roon,” may kahulugang pagtukoy ni Darryl kay Edu Manzano na karelasyon ngayon ng aktres.
Sa patuloy na litanya ni Darryl ay buong tapang nitong tinawag na mga sinungaling sina direk Joel at Cherry Pie.
“You know direk Joel, Miss Cherry Pie, ‘yung natitira niyong panahon sa mundong ito, huwag niyong gamitin para magsinungaling.
“Mag-meeting kayong dalawa kung paano ninyo ipo-promote nang marangal ang pelikula ninyo because we are not using your names, we’re not mentioning your names in any presscon.
“Stop this jurassic form of promotion. That’s the only and the last statement that I will deliver.
“Don’t you dare malign my bosses, all the money that was produced here were all from hard work.
“Viva is not like that. Senator Imee is not like that.”
Si Senator Imee Marcos ang executive producer ng Martyr or Murderer.
“This is my ultimate statement and I’m not gonna repeat it.
“Huwag masyadong makapal ang mukha ninyo. This is the day of information technology. Lahat ng sasabihin ninyo, may record.
“For once, hindi kami ang tumatapat. Secondly, hindi kami natatakot sa inyo. Huwag kayong sinungaling!
“Kung nagsisinungaling kayo sa dahilan ng paggawa niyo ng pelikula, paano maniniwala ang tao sa inyo na totoo ang naranasan niyo noong Martial Law? Now, I am doubting them,” tahasang sinabi pa ni Darryl.
Lalo tuloy naging kaabang-abang ang salpukan ng dalawang pelikula sa mga sinehan sa March 1.
Samantala, ang mga artistang tampok sa Martyr Or Murderer ay sina Cesar Montano bilang Ferdinand Marcos, Ruffa Gutierrez bilang Imelda Marcos, Cristine Reyes bilang Imee Marcos, Diego Loyzaga bilang Bongbong Marcos, Ella Cruz as Irene Marcos, Marco Gumabao as young Bongbong, Isko Moreno as Ninoy Aquino, Elizabeth Oropesa as Manang Lucy, Kyle Velino as Greggy Araneta, Beverly Salviejo as Yaya Biday, Franki Russell as Claudia Bermudez, Billy Jake Cortez as Mel Mathay, Cindy Miranda as the young Imelda Marcos, at marami pang iba.