INARESTO ng mga awtoridad ang isang rider nang mahulihan ng hindi lisensiyadong baril at hinihinalang ilegal na droga sa nakalatag na checkpoint sa bayan ng Samal, lalawigan ng Bataan, nitong Biyernes, 27 Enero.
Ayon kay P/BGen. Cesar Pasiwen, Regional Director ng PRO3, pinara ng checkpoint team ng Samal MPS ang suspek na kinilalang si Audie Maradial, 40 anyos, residente sa Brgy. Tugatog, Orani, Bataan, habang sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo.
Nang usisain ukol sa mga kinakailangang dokumento, binuksan ng suspek ang compartment ng kanyang motorsiklo at sa malinaw na tanawin ng mga awtoridad ay nakita ang isang pirasong chrome Colt caliber .45 na may magasing kargado ng tatlong bala, at isang selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P300,000.
Nang tanungin ng mga awtoridad tungkol sa mga dokumento ng baril, bigo si Maradial na magpakita alinman dito kaya ayon kay P/Col. Romell Velasco, Provincial Director ng Bataan PPO, ang suspek ay agad inilagay sa warrantless arrest.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang suspek ng Samal MPS kabilang ang mga nasamsam na ebidensiya para sa nararapat na disposisyon habang inihahanda ang pagsasampa sa korte mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165. (MICKA BAUTISTA)