HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGPALIWANAG si direk Laurice Guillen na ang ginamit daw nilang pamantayan o criteria ay ang panuntunan ng yumaong National Artist for Film na si Eddie Romero. At batay doon kaya nila nagawa ang kanilang desisyon sa nakaraang Metro Manila Film Festival.
Siguro nagpaliwanag nga si direk Laurice, matapos na mapikon si Agot Isidro dahil na-snobbed daw ang pelikula nila sa ibang awards, na sinabayan naman ng iba pa. Pero kung kami si Laurice, hindi kami magpapaliwanag. Walang obligasyon ang mga hurado na magpaliwanag sa kumukuwestiyon sa kanilang desisyon. Sila ang kinuhang jurors, at iyon ang desisyon nila. Ang desisyon nila ay final. Iyan namang mga sumali, sumama sila na isinumite ang kanilang pelikula eh, ano ang kaparatan nilang magkuwestiyon sa naging desisyon ng mga hurado?
Kung nagkaroon siguro ng dayaan, o hindi ang mga tunay na nanalo ang idineklara, maaari silang umangal. Kung wala namang anomalya at pinangatawanan ng mga hurado ang kanilang desisyon, ano pa ang habol nila?
Kung kami ang tatanungin, hindi na dapat nagpaliwanag si Laurice.