SA INILATAG na safety and security deployment ng puwersa ng Bulacan PNP, pangkalahatang naging tahimik at payapa ang Bagong Taon sa lalawigan ngunit hindi sa ilang kaso ng mga nasugatan sa paputok at mababang insidente ng krimen.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ipinahayag niya na hanggang 1 Enero ng umaga at may naitalang siyam na sugatan sa paputok sa mga bayan ng Santa Maria (4), San Miguel (3), Hagonoy (1), at sa Bulakan (1).
Gayondin, walang naiulat sa lalawigan na insidente na sangkot o naging biktima ng stray bullets o ligaw na bala gawa ng pagpapaputok ng baril.
Samantala, dahil sa mabilis na pag-aksiyon ng mga tauhan ng Pandi MPS sa Brgy. Cacarong Matanda, agad nadakip ang suspek sa insidente ng pamamaril na kinilalang si Jeanny Salinas, 43 anyos, ng Binondo, Maynila, samantala, nakatakas ang kanyang kasabwat na si Dominador Salvaña.
Itinuturo ang dalawa na bumaril at nakapinsala sa apat na biktima sa nabanggit na barangay sanhi upang magkaroon ng malaking pagkaabala sa kalye.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang mga biktima sa pagamutan habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naarestong suspek samantala tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na kasama.
Gayondin, sa pag-aksiyon ng mga tauhan ng San Jose del Monte CPS at Pandi MPS laban sa illegal gambling na sanhi ng maramihang reklamo laban sa tupada sa Brgy. Gaya-gaya, San Jose del Monte at Brgy. Mapulang Lupa, Pandi, naaresto ang lima katao at nasamsam ang mga manok na panabong, tari, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon.
Nadakip din sa Brgy. Poblacion I, San Jose del Monte, ng tracker team ng pulisya ng lungsod, ang suspek na kinilalang si Elmer Santos, 51 anyos, sa bisa ng warrant of arrest sa krimeng Slight Physical Injuries. (MICKA BAUTISTA)