HATAWAN
ni Ed de Leon
NAGBIGAY si Jake Cuenca nang mahusay na performance sa kanyang pelikula, iyan ang feedback na narinig namin sa nakapanood na. Pero ang nakalulungkot may nagsasabing ang pelikula ay mahina sa takilya. Pero ano ba naman ang problema? Nang gawin ni director Joel Lamangan ang pelikula, hindi naman kasi box office ang kanyang iniisip, dahil kung ganoon, dapat gumawa siya ng pelikula na hindi ganyan ka-seryoso ang subject. Kung box office, dapat gumawa siya ng love story, o kaya comedy, kung hindi man kung anong pelikula lamang.
Gumawa kasi siya ng isang seryosong pelikula, ibig sabihin hindi takilya ang kanyang target. Maaaring ang iniisip niya ay manalo ng awards ang kanyang mga artista at pelikula, o kaya ay mas maisulong ang kanyang advocacies.
Kung ganyan ang layunin ng director at ng mga producer ng pelikula, eh ano ba kung mahina man sa takilya, basta kuntento sila sa nagawa nilang pelikula. Ganoon naman talaga sa festival, iyong mahuhusay na pelikula naiiwan iyan sa takilya. Iyong mga slapstick, iyan ang kumikita kasi nga iyan ang gusto ng masa. Ano ba ang hinahanap ng masa, hindi ba iyong matawa, o matakot, o makakita ng mga pogi at magagandang artista. Pagkatapos niyon at saka lang nila hinahanap ang kalidad at katuturan ng pelikula.
Kaya iyang pelikula, hindi natin dapat sukatin sa kung magkano lang ang kinita, bagama’t iyon ang mas pinahahalagahan dahil negosyo iyan. Pero tingnan din natin ang tunay na layunin nang gawin ang pelikula.
Sa kaso ni Jake, sinasabi nilang napakahusay ng kanyang performance. Tama na iyon, napatunayan niya ang kanyang kakayahan bilang isang actor. Siguro kung gagawin din nila iyong magpa-block screening para tiyak may manood ng kanilang pelikula, gaya ng ginagawa ng iba na naghahakot ng tao para sa block screening nila, makalalaban din iyan sa kita. Isa pa, festival iyan. Dapat showcase iyan ng pinakamagandang magagawa, exhibition iyan. Hindi iyan isang trade market. Hindi talipapa.