Isa na ngayong lungsod ang Baliwag sa Bulacan-ikaapat sa lalawigan matapos ang Malolos, Meycauayan at San Jose del Monte.
Ito ang ipinahayag ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado, na sinabing mayorya ng mga botante sa isinagawang plebisto ay niretipikahan o pinagtibay na ang munisipalidad ay maging ganap na lungsod.
Ang kabuuang bilang ng bumoto ay nasa 21.70% o 23, 562 sa 108, 572 rehistradong botante.
Ayon pa sa Comelec, 75.60% o 17, 814 ang bumoto para sa cityhood ng Baliwag, habang 24.19% o 5, 702 ang bumoto laban dito.
Sinabi ni Baliwag Mayor Ferdinand Estrella, ang annual P330-million Internal Revenue Allotment ay madodoble kapag ang munisipalidad ay naging lungsod.
Ang Republic Act No.11929 na nagtatakda na ang munisipalidad ng Baliwag na maging lungsod ay nilagdaan para maging batas noong Hulyo 29.
Batay sa 2020 census, ang Baliwag ay may populasyon na 168, 470.(Micka Bautista)