HATAWAN
ni Ed de Leon
IBA na ang statement ngayon ni Aljur Abrenica. Kung noon wala siyang pakialam, at hindi man nagbigay ng statement ay parang inamin niyang syota nga niya si AJ Raval matapos na makipag-hiwalay sa asawang si Kylie Padilla, ngayon ay iba na ang tono niya. Bagama’t sinasabi niyang walang kasalanan si AJ, at siya lang ang may kasalanan.
Inaamin na rin niyang mali ang pakikipaghiwalay niya kay Kylie. Kasabay niyon inamin na rin niyang mali pati ang kanyang tangkang paglayas noon sa GMA, at inaming naging masamang impluwensiya sa kanya ang ilang nakapaligid noong araw, pero wala na raw ang mga taong iyon sa kanya.
Siguro nga nasulsulan lang iyang si Aljur noon, at ang katuwiran niya ngayon, bata pa siya noon at napaikot siya ng ilang taong naging masamang impluwensiya sa kanyang mga desisyon.
Doon naman sa kaso nila ni AJ, iyon naman at pati ang nanay niyon ang unang umamin ng kanilang relasyon. Alam naman natin iyon. Bakit kaya sila nag-split?