HATAWAN
ni Ed de Leon
HINDI talaga magpapakabog ang mga Vilmanian. Bagama’t ang akala nga ng iba ay lalagpas na ang 60 years ni Ate Vi (Ms Vilma Santos) sa showbiz dahil kailangan pa iyong magpahinga, sa advice rin ng kanyang doctor, at sinabi nga niyang sa hirap ng buhay ngayon ay parang hindi pa
napapanahon ang isang celebration, kaya siguro naman maaaring next year na iyon sakaling mas maganda na ang buhay. Ayaw pa ring palampasin iyon ng Vilmanians.
“Hindi naman kasi puwedeng hindi maski paano lang ay may celebration,” sabi sa amin ni Jojo Lim na siyang nangunguna sa VSSI, ang umbrella organization ng iba pang mga fan club ni Ate Vi. Ayaw niyang sabihin kung ano, pero may nailusot silang ilang gagawin para sa 60th year ni Ate Vi.
Ang nakatatawa, maging si Ate Vi ay walang kamalay-malay sa plano pero sinabi nila na nagawa na nila ang lahat ng arrangements na kailangan at sigurado nang matutuloy iyon. Hindi nga sila makapayag na lalampas na lamang iyon ng ganoon.
“Kahit na nga pandemic, tuloy-tuloy ang plano namin at nagagawa na namin ang lahat ng iba pang kailangang gawin. Iyong hindi magagawa this year, iyon ang itutuloy for next year, pero hindi puwedeng walang celebration,”sabi pa ni Jojo.
Sa pangalan din ni Ate Vi ay gagawa sila ng mga charity project sa mga biktima ng kalamidad, bilang pasasalamat na rin sa
Diyos dahil sa 60 taong career na naipagkaloob kay Ate Vi, at hanggang ngayon ay aktibo pa siya.