HINIHIKAYAT natin si Atty. Levito Baligod, ang abogado ng mga whistleblower na nagbunyag sa P10-billion pork barrel racket ni Janet Lim Napoles, na ibunyag na kung sino ang mga taga-media na nasa ‘BLUEBOOK’ lalo na ‘yung sinasabi nilang magka-partner na taga-media na member ng NPC.
Ooppps don’t get me wrong … NPC means NAPOLES PAYOLA CLUB.
Hindi na tayo nagtataka kung bakit sa kabila ng lantarang pagnanakaw at panloloko ng sabwatang Janet Lim Napoles at mga ‘politikong baboy’ ‘e nahahati pa ang media sa pagbabalita.
Napansin na natin noong una pa man, na sa kabila na mayroong law enforcer body (ang National Bureau of Investigation) na nag-iimbestiga sa P10-billion pork barrel scam ‘e biglang lumusot ang istoryang kinikikilan sina Napoles ng P300-milyon kaya umano biglang naging whistleblower ang kaanak nilang si Benhur Luy.
Hindi pa man lubusang naiintindihan ng publiko kung paano nagkaroon ng P10-billion pork barrel scam sa mga transaksiyones nina Napoles at mga kasabwat na senador at congressman ay mayroon nang natangkang pasamain agad ang imahe ng NBI o ng UNIT na may hawak sa nasabing kaso.
Ibig sabihin, sa simula pa lang ay mayroon nang pagtatangka ang mga miyembro ng NAPOLES PAYOLA CLUB na hatiin ang simpatiya ng publiko sa napakalaking KASO ng PAGNANAKAW sa pondo ng sambayanan.
Si Napoles, ang kanyang pamilya at mga kasabwat ay patuloy na nagsisikap para pagtakpan ang kanilang walang hanggang paglulustay sa salapi ng bayan.
Habang milyon-milyong bata at mga kabataang Filipino ang malnourished at hindi nakapag-aaral dahil sa sinasabing kakapusan sa budget ‘e hindi naman malaman ng mga Napoles kung saan ilalagay ang mga perang nakukulimbat nila mula sa Philippine Development Assistance Fund (PDAF) na sana’y nakalaan para sa mga kababayan natin sa kanayunan na hikahos ang kabuhayan.
Naroong ilagay sa likod ng kotse dahil hindi na kasya sa vault. Sa kanilang mga bath tub (ilan kaya ang bath tub sa bawat bahay ng mga Napoles?), ipambili ng kung ano-anong kaluhuan o magpa-PARTY araw-araw para mabawasan ang kwartang hindi na alam kung saan ilalagay.
Isa tayo sa mga nagdarasal, araw-araw, na sana’y huwag mabigo ang grupo nina Atty. Levito Baligod at NBI team sa mga ebidensiyang hawak nila para tuluyang ma-SWAK sa dapat nilang kalagyan sina Napoles at ang kanyang mga kasabwat na senador at congressman gayon din ang mga miyembro ng NAPOLES PAYOLA CLUB lalo na ‘yung sinasabing mga taga-media.
Isa na nga riyan ‘e ‘yung isang taga-media na nag-alok kay ALAM president Atty. Toto Causing ng P.5-milyon para i-pull-out daw ang kanyang ‘BLOG’ tungkol sa kaluhuan ng pamumuhay ng bunsong anak ni Napoles. Pero nang hindi pinagbigyan ay idinemanda ng LIBEL si Atty. Causing.
Isa ito sa mga nakalulungkot na pangyayari sa ating bansa ngayon.
Ang media na dapat ay tapat na nag-uulat sa mamamayan pero nagagamit pang ‘BROKER’ para sa pang-aareglo, pananakot at pang-iimpluwensiya ng mga katulad ni Napoles.
Hala, Atty. Baligod, ibunyag mo na ‘yan para mahubdan ng MASKARA!
‘ALIBI’ NI ‘SEXY’ JINGGOY ALIBI NA ALIBI…
TALAGA naman …
Huling-huli na humuhulagpos pa.
Meron ba namang ‘relasyong photo-ops lang’ pero nag-iimbitahan sa kani-kanilang private parties?!
Anak ng jueteng naman talaga!
Kaya kayo nasisilat ‘e … lakas n’yo nang mang-umit, ang tibay pa ng sikmura ninyong magsinungaling.
‘E parang dinikdikan n’yo pa ng ‘ASIN’ ang nagnanaknak nang sugat ng sambayanan.
Hindi pa nga nakaaahon ang inyong kredebilidad dahil convicted sa kasong PLUNDER ang erpat mo ‘e, ayan na naman, sunod-sunod pa kayong tatlong EJERCITO ESTRADA na nasasangkot na naman sa nawawalang pondo ng sambayanan.
Una ang utol mo sa bas-la na si Senator JV Ejercito na natuklasang mayroon palang secret offshore corporations sa British Virgin Islands (BVI).
Dito umano ngayon itinatago ng mga mayayaman sa buong mundo ang kanilang kwarta para maitago sa mata ng publiko at ng mga awtoridad.
At ngayon nga, natuklasan ng Commission on Audit na isa ka, Senator JINGGOY sa mga naglaan ng iyong pork barrel sa isang bogus na non-government organization (NGOS) na kasama doon sa mga binuo ni Napoles.
Ang ‘ALIBI’ ng senador ‘e hindi naman daw sila nakikialam kung sa anong NGO ilalaan ang kanilang PDAF.
Come again, Mr. Senator?!
Pondo ng bayan tapos hindi ninyo inaalam kung saan napupunta?!
SonaPDAF!!!
‘E talaga palang hindi ka dapat pagkatiwalaan sa posisyon mong ‘yan.
Kung hindi mo nga inaalam kung saan napupunta ang taxpayers’ money ‘e dapat talagang huwag ka nang iboto sa ano mang public office.
ALIBI na ALIBI naman ‘yang rason ninyo!
Sino naman ang maniniwala na ang mga retratong naglalabasan ‘e ‘photo-ops lang.’
Inimbita ninyo ang mga Napoles sa graduation rites ng anak mo at kayo sa isang private party ng mga Napoles tapos sasabihin ninyong photo ops lang?!
‘E kitang-kita naman sa mga hawakan at akbayan ninyo na mayroon na kayong ‘malalim’ at matagal nang relasyon.
Kung gaano man kalalim ‘yang relasyon na ‘yan ‘e dapat lang na mahalukay ng Senate Blue Ribbon committee at ng Department of Justice.
Kapag dumating ang pagkakataon na iyon, tingnan natin kung talagang ‘photo ops’ nga lang ang relasyon ninyo sa mga Napoles.
Aabangan po natin ‘yan.
BAGONG MAYOR, BAGONG SAKLA QUEEN SA CALOOCAN CITY
WALANG epekto ang pagbubuyag na isang bagong SAKLA QUEEN ang lumalagare ngayon sa Caloocan City mula nang maupo si Mayor Oca ‘Solaire’ Malapitan bilang bagong ALKALDE ng lungsod.
Kumbaga, bagong Mayor, bagong Sakla Queen.
Agad kasing nagbalot-balot at nag-fly away ang matronang si LUCY SAKLA, ang bangkang Navotas, nang manalo sa eleksiyon si Malapitan.
Pero akala natin ay mananahimik na ang SAKLA sa Caloocan nang mawala si LUCY.
Hindi pala…
Pinalitan lang siya ng bagong SAKLA QUEEN sa Caloocan City na si ‘POLENG’ na isang bangkang QUEZON CITY.
Kaya matapos maplantsa ang lahat-lahat ng intelihensiya mula lokal hanggang nasyonal, lumarga na ang mga saklaan ni ‘POLENG’ sa mga barangay ng Caloocan.
Alam ng lahat na dating YAGIT lang si LUCY, pero naging milyonarya sa pasugal niyang SAKLA-DAYA.
Marami ang nagtatanong kung mapapantayan ba ng bagong sakla queen na si ‘POLENG’ ang operasyon ni LUCY?
Sige nga … aabangan natin ‘yan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Oca Malapitan.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.7630 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com