PALAISIPAN sa mga pangkaraniwang mamamayan kung bakit hindi maawat ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Sabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala, tukoy na raw nila at poisibleng mga rice smuggler daw ang mga responsable sa ‘artipisyal’ na krisis sa bigas.
Pero alam kaya ni Alcala na abot-kamay at nasa tabi niya lang ang taong puwedeng-puwede niyang usisain sa isyung ito na walang iba kundi ang kanyang Assistant Secretary na si Allan Umali na kabisado ang pasikot-sikot pagdating sa larangan ng smuggling?
Noong nasa Bureau of Customs (BoC) pa si Umali ay sangkot ang kanyang pangalan sa palusutan ng mga imported na karne sa Aduana at responsable rin sa pagpapagamit ng pasilidad ng Food Terminal Inc. (FTI) para maging warehouse ng mga smuggler.
Nagsimula siya bilang miyembro ng Customs police bago napunta sa warehousing. Kalaunan, naitalaga siyang BoC collector sa FTI.
Nilayasan niya ang BoC sa takot na maasunto at makulong dahil sa naging talamak na modus ng ILLEGAL DIVERSION sa warehousing noon sa FTI.
Nang maupo ang administrasyong Aquino, si Umali ay inirekomenda ng kanyang kadugo at tiyuhing si Oriental Mindoro Gov. BOY UMALI para makabalik sa sirkulasyon kaya naipuwesto sa DA. Pamangkin din siya ni Oriental Mindoro Rep. REYNALDO UMALI, dating opisyal ng Customs bago naging congressman.
Ang kakaibang talento ni Umali sa pag-iisyu ng import permit sa mga smuggler ang nagpalakas sa operasyon ng rice smuggling sa bansa kaya natin nararanasan ang krisis sa supply ng bigas, kahit itanong pa natin kay MR. LARRY PALAD at Port of Manila (PoM) district collector ROGEL GATCHALIAN na mga kaututang dila niya.
Dumoble pa ang naging suwerte nitong si Umali nang italaga siya bilang pinuno rin ng Zamboanga Rubber Estate Corp. (ZREC) na pinaglagakan ng pork barrel ng mga kawatang mambabatas.
Naturingang agricultural na bansa ang Filipinas, pero nasa DA naman pala ang mga pasimuno ng pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.
BINAY HAYOK SA PUBLICITY,
GARAPAL PA KUNG UMEPAL
HALOS tatlong taon pa bago ang 2016 presidential elections, naglalaway na nang husto si Vice President Jejomar Binay na agawan ng eksena si Pangulong Aquino sa paglutas sa nagaganap na krisis sa Zamboanga City.
Hindi naman siya awtorisado ng Pangulo na maging opisyal na government negotiator sa MNLF, pero kinausap ni Binay si Nur Misuari para magtakda ng mga kondisyon bago ideklara ang ceasefire.
Wala naman pumayag sa mga pakulo nina Binay at Misuari, nguni’t inihayag pa rin ng bise-presidente na ipatutupad na ang ceasefire simula noong Sabado ng hatinggabi na hindi naman naganap dahil nagpatuloy sa pagpapaputok sa tropa ng pamahalaan ang MNLF.
Ang pagkahayok ni Binay sa publisidad at pag-epal sa Zamboanga City crisis ay nag-iwan ng malaking palaisipan sa mga mamamayan, bakit direkta siyang kinakausap ni Misuari habang naghahasik ng karahasan ang mga tauhan ng MNLF leader sa mga tropa ng pamahalaan at mga inosenteng sibilyan sa lungsod?
Kaduda-duda ang pag-eksena ng leader ng United Nationalist Alliance (UNA) sa sitwasyong ito dahil nagaganap ito sa panahong isasampa na ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong plunder laban sa mga mambabatas at ilang personalidad na sangkot sa P10-B pork barrel scam, kabilang na rito ang mga BFF ni Binay na sina Sens. Juan Ponce-Enrile at Jinggoy Estrada.
Ang naging problema ni Binay, hindi kinagat ni Pangulong Aquino ang mga ibinigay na kondisyon ni Misuari para magdeklara ng ceasefire ang MNLF kaya sumabog sa kanyang mukha mismo ang palpak na resulta ng kanyang pagyayabang.
Ayaw sana nating paniwalaan na may kakayahan ang mga politiko na gumawa ng ganitong karumal-dumal na sitwasyon, ang isakripisyo ang buhay ng mga inosenteng sibilyan at mawasak ang kanilang mga buhay at ari-arian, pero sa takbo ng mga pangyayari, tila may sikmura silang gawin ito.
Napakasama nang pagkakabalangkas ng ‘squid tactic’ na ito para ilihis ang atensiyon ng publiko mula sa mga mambabatas na kawatan at mga politikong kaalyado pa mandin ni Binay.
Para sa reklamo, suhestiyon at komentaryo tumawag o mag text sa 09158227400 / Email: [email protected]
Percy Lapid