UMPISA NA. Ito ang kasalukuyang nagaganap sa Bureau of Customs. Ang pagsibak sa mga incompetent, corrupt at deadwood na mga opisyal at empleyado. Kasabay ito ng utos ni Commissioner Ruffy Biazon na balasahin nang todo (top-to-bottom) ang kanyang ahensya sa kabila ng agam-agam na baka pakitang tao lang.
Totohanan na talaga ito. Mismong sa pangunguna ni Finance Secretary Cesar Purisima at ng BIR Chief Kim Henares, inilabas ni Biazon ang kanyang personnel order na kanyang pinababalik lahat (no exception) ang mga empleyado at opisyales na naka-detail sa iba’t ibang Puerto, opisina, section o unit dahil marami sa kanila gumamit ng padrinong pesky politicians at mga opisyal ng pamahalaan. Pero ngayon, takot nang mag-sponsor ang mga pesteng politiko sa mga bata-bata nila.
Tama si Commissioner. Hindi na importante ang sila at i-reshuffle pa. Iyong “return to mother port” memo niya sapat sapat. Marahil napakalaking porsiyento ng mga personnel ang naka-assign sa iba’t ibang Puerto. Ang practice lasi, gagawin lang ng personnel na kunin halimbawa ang isang vacant post kahit nasa Jolo, Zambo. Assume sila tapos balik na sa kanilang assignment sa Maynila. Very unfair sa mga kasama nilang walang kapit sa mga politiko.
Isa pang malaking development ay ipinag-utos ni Commissioner na buwagin o sibakin nang lahat ang napakaraming task group na pahirap sa mga naghahanapbuhay sa Bureau. Isipin na lang na mahigit 21 task group (ask forces ‘ika nga) na nanghaharas kada linggo sa mga pobreng broker. Mas matinding tumaga o humataw ng lagay nang sapilitan ang operations group na mismo sa opisina ng matataas na opisyal.
Kaya’t labis-labis ang tuwa at pasasalamat ng port users or player (iyong mga legit) sa pagsibak ng mga task group na lalong kilala sa tawag na “tara group.” Ang siste pa nito may mga hao-shiao silang tagapanakot sa mga broker or consignee. Ang nangyari kahit wala halos violation naaabala ang mga importer kaya’t naglalagay na lang.
Iyong mga designations halimbawa ng isang taga- intelligence, from intel agent one (salary grade 8) to intel division chief na sinopla na ng Civil Service sa pagiging isang uri ng pag-abuso lumundag na pagkataas hanggang salary grade 24. Ang dami-daming nasagasaan. Si Commissioner pa mismo ang nakapirma sa ganitong anomalous na designation. Pero it is all over tulad din ng maraming nasagasaang designation order (may ilan diyan nasa intel pero ang item pala at appraiser/examiner at vice versa).
Sa utos na ito ni Biazon, sanity is restored, kahit pa man maraming umalma. Ito naman ang resulta sa ganitong drastic na change. Ang gusto ng mga tumatabo na mga personnel status quo sila. Hindi ito oobra kay Purisima at sa mga opisyal ng inter-agency reform program na itinatag upang ituwid na ang matagal na baluktot na daan sa Customs.
Ito na marahil iyong ipinangako ni Biazon na “the beginning of the end”: sa mga official na sobra-sobra ang pangungurakot at pagpapayaman sa pakikipagsabwatan sa mga smuggler.
Tapos na ang lifestyle check. Balita natin maraming bumagsak. Kaya maraming sisibakin at kakasuhan ng graft or plunder at habulin din iyong mga tumabo noong panahon ng dating Commissioner Boy Morales.
Arnold Atadero