NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang mga carnapper sa loob lamang ng isang oras sa kanilang ikinasang follow-up operation na inilunsad ng kapulisan sa lungsod ng Gapan, lalawigan ng Nueva Ecija nitong Miyerkoles ng umaga, 10 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Jess Mendez, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, dakong 3:30 ng madaling araw kamakalawa nang maganap ang isang insidente ng pagnanakawa ng motorsiklo sa PrimeWater District, Brgy. San Vicente, sa nabanggit na lungsod.
Naiulat na tinangay ng mga suspek ang isang itim na Mitsukoshi motorcycle na pag-aari ng isang 39-anyos na pump operator at na empleyado ng nasabing water district.
Nang matanggap ang impormasyon, agad naglatag ang mga elemento ng Gapan CPS ng hot pursuit operation sa bisinidad ng crime scene at sa mga kalapit na barangay.
Kasunod nito, narekober ng operating unit dakong 4:30 ng madaling araw sa Brgy. Sta.Cruz ang nasabing motorsiklo na nasa pag-iingat na ng talong suspek na pawang menor-de-edad at mga residente ng Brgy. San Vicente, sa lungsod.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10883 (Motornapping) tatlong menor-de-edad na suspek na inilagak muna sa pangangalaga ng lokal na tanggapan ng DSWD para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)