MULING nakakumpiska ang mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Subic ng mga ipinuslit na mga sigarilyo mula sa Singapore na nagkakahalagang P46.28 milyon.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang Port of Subic ng derogatory information ng nasabing shipment na naging dahilan ng pag-isyu ng Pre-Lodgement Control Order.
Nadiskubre sa isinagawang physical examination ang kabuuang 1,122 master cases ng Marvels Filter Cigarettes na idineklarang mga tela.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumitaw na ang consignee, ang Proline Logistics Philippines Inc., ay hindi rehistrado bilang SBMA locator ng foreign cigarettes at tobacco products at hindi ito kabilang sa Bureau of Internal Revenue (BIR) List of Registered Importers ng Cigarette Brands.
Inilabas ni District Collectot Maritess Martin ng Port of Subic ang warrant of seizure and detention laban sa shipment para sa paglabag sa National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03 at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization Tariff Act.
Nitong nakaraang buwan, nakasamsam rin ang Port of Subic ng halagang P84.97-milyong puslit na sigarilyo mula sa naturang consignee.
Ani Martin, magpapatuloy ang BOC-Port of Subic sa pagpapalakas ng border protection efforts laban sa pagpasok ng mga illicit goods sa bansa. (MICKA BAUTISTA)