HINDI nakapalag ang isang big time na tulak nang dakmain ng mga awtoridad matapos bentahan ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana ang isang pulis na umaktong poseur buyer sa bayan ng Baliuag, lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 2 Hulyo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Kenneth Ryan Rodolfo, 20 anyos, nadakip ng mga elemento ng Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU) at Baliuag MPS sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Tangos, sa nabanggit na bayan.
Napag-alamang nakipagtransaksiyon kay Arcega ang police poseur buyer na iiskor ng marijuana at nang magkaabutan ng item at markadong pera ay agad na inaresto ang suspek.
Nasamsam mula sa suspek ang apat na selyadong bloke na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana na tinatayang may timbang na isang kilo at nagkakahalaga ng P120,000; at P500 marked money.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Baliwag MPS Jail at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Cabradilla, ang patuloy na pag-aresto at neutralisasyon ng mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga sa lalawigan gayondin ang walang humpay na pagtatrabaho ng pulisya na matigil ang paglaganap nito, kaya pinaniniwalaang mawawalan ng puwang ang illegal drug traders na mapalaganap ito. (MICKA BAUTISTA)