Wednesday , January 8 2025

Mga vloggers sa Palasyo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

May nagulat pa ba nang buksan ng papasok na administrasyon ang pintuan ng Malacañang press room sa mga vloggers?

Inihayag noong nakaraang linggo ng incoming press secretary na si Trixie Angeles na nasa “to-do” list niya ang pagbibigay ng media accreditation sa mga vloggers na pinapaboran ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Para sa isang sistematiko, matagal na pinagplanuhan, at masusing kampanya sa world wide web na nagbigay kay “Mister Junior” ng mahigit 31 milyong boto noong halalan, bakit nga naman hindi niya gugustuhing i-cover ng kanyang mga social media Smurfs ang kanyang pamumuno?

Gayung si “Papa Smurf,” mismo, ay isa ring vlogger, at ang isang komunidad na puno ng mababait na media ay magiging perpekto para isakatuparan ang kanyang true-blue agenda.

Tandaang maigi na sa bahaging ito, kailangan pa nating alamin kung ang tamang termino sa gagawin nila ay “coverage” o “cover-up” ng mga mangyayari sa Palasyo. Makatwiran lang na tanungin ito, kung ikokonsidera ang pag-iwas ni Bongbong sa tinatawag ng kanyang kampo na “hostile media” noong panahon ng kampanya.

Kung paninindigan niya ang pagiging mailap sa tuwing tatayo siya sa podium bilang pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa sa susunod na anim na taon, mas mainam sigurong ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay gawin na lang ahensiya sa ilalim ng Presidential Security Group (PSG).

Subalit ang tungkulin ng mga mamamahayag, aking mga kaibigan, ay hindi ang protektahan ang pagkapangulo ng sinuman. Sa katunayan, ang media ang instrumento ng publiko upang ang gobyerno at ang mga nagpapatakbo nito — kabilang at lalo na ang presidente — ay magkaroon ng pananagutan sa kanila.

Importanteng bigyang-diin na hindi intensiyon ng Firing Line na maliitin ang mga social media personalities at vloggers na ang lawak ng impluwensiya sa publiko ay pupuwedeng higitan ang naaabot nating nasa mainstream media.

Ibinibigay ko sa kanila ang respeto sa paninindigan nila sa sariling opinyon at sa pagpapakalat ng mga usaping pulitikal at panlipunan na nag-uudyok sa publiko upang maghanap ng iba pang pagkukunan ng impormasyon para sa mas malalim at garantisadong katotohanan sa likod ng mga ito.

Pero ang pasyang ito mula sa ganitong klase ng pangulo at mula sa ganitong uri ng kalihim ng PCOO ay nagpapatindi sa mga espekulasyon na ang tunay na intensiyon nito ay ang magpuwesto ng isang batalyon ng mga BBM die-hards upang pahinain ang kakayahan ng mga lehitimong mamamahayag sa pagpapaabot sa publiko ng mga tunay na nangyayari sa pamahalaan.

Tulad ng gobyerno, ang media ay nakasalalay sa tiwala ng publiko; ang ikaapat na estado, mga tagapagmatyag na kilala sa pagpapahayag ng katotohanan at paninindigan sa inilalahad nilang balita na base lamang sa tunay na nangyari at tinitiyak na tanging katotohanan lang ang matatanggap ng publiko.

Alam na alam ni Press Secretary-designate Angeles kung paanong binitbit ng administrasyong Duterte ang isang vlogger sa PCOO at kung ano ang nangyari. Nagkaroon ng serye ng kapalpakan na nagbunsod upang magsayang ang PCOO ng mahabang panahon sa kapapaliwanag sa mga nanlilibak, panahong nagamit sana sa pag-uulat tungkol sa Presidente.

Umani ng batikos nitong nakaraang linggo ang aking kaibigan at dating ABS-CBN broadcast journalist na si Charie Villa nang mag-post siya sa kanyang Facebook page ng “beware” na kinatatampukan ng hindi naberipikang listahan ng mga vloggers na hinihinalang nagpapakalat ng fake news. Karamihan sa kanila ay mga panatiko ni BBM. Abangan natin kung magsisimula na silang mag-cover sa mga presscons ng Palasyo sa Hulyo.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …