ARESTADO ang isang lalaking lumabag sa ipinatutupad na checkpoint sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, na nahulihan siya ng mga awtordidad ng baril at granada na nasa kanyang sasakyan nitong Martes ng umaga, 5 Abril.
Ayon kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang suspek sa anti-criminality checkpoint operation na inilatag ng mga tauhan ng 1st Mobile Force Company (PMFC) bilang lead unit, katuwang ang Malolos CPS, sa Brgy. Bulihan, sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang suspek na si Fernando Alejo, 50 anyos, isang freelance liaison, at residente sa Brgy. San Juan, Malolos.
Sa ulat, nabatid na pinara ng mga operatiba ang itim na Ford EcoSport na sinasakyan ng suspek para sa routine inspection at checking ngunit imbes magpabagal ay pinaharurot ang sasakyan kaya nasapol ang mga nakatayong checkpoint signage.
Nang maabutan ang suspek, naispatan ng mga awtoridad ang isang pistola sa loob ng kanyang sasakyan na nagresulta ng kanyang pagkakdakip.
Narekober mula sa suspek bilang ebidensiya ang isang .45 cal. Armscor pistol; isang 9mm revolver; isang MK2 hand grenade; isang Black Ford Eco Sport; at cash money sa iba’t ibang denominasyon.
Kasalukuyang nakalagak ang nakompiskang mga ebidensiya sa 1st PMFC para sa imbestigasyon maliban sa MK2 hand grenade na inilagay sa safekeeping ng mga tauhan ng Bulacan PECU samantala ang suspek ay nakatakdang sampahan ng kaso kaugnay sa ipinatutupad na Omnibus Election Code. (MICKA BAUTISTA)