ARESTADO ang lalaking lumabag sa ipinaiiral na Omnibus Election Code (OEC) at hinihinalang tulak sa ipinatupad na search warrant ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan, nitong Lunes, 21 Marso.
Ayon kay P/Col. Rommel Ochave, acting provincial director ng Bulacan PPO, nasakote ang dalawang suspek sa ipinatupad na search warrant ng mga police stations ng Pulilan at San Jose Del Monte kamakalawa.
Kinilala ang unang naarestong si Nickson Casem ng Brgy. Tibag, Pulilan, para sa kanyang paglabag sa RA 10591, may kaugnayan sa Omnibus Election Code nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang Colt MK IV series 80 Cal. 45 pistol na kulay silver; isang magasin ng kalibre .45; tatlong pirasong bala ng kalibre .45; at isang itim na leather inside holster.
Nasakote si Woodrew Barce ng Brgy. Sta. Cruz 1, San Jose del Monte sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, nakuhaan ng pitong piraso ng selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng 3.5 gramo ng hinihinalang shabu, may market value na P23,000, nakalagay sa isang coin purse.
Pahayag ni Ochave, ang Bulacan PNP ay patuloy sa maigting na pagpapatupad ng ipinaiiral na Omnibus Election Code at kampanya laban sa ilegal na droga upang maibsan ang banta sa komunidad sa parating na halalan. (MICKA BAUTISTA)