RATED R
ni Rommel Gonzales
NAPAKAGANDA ng mukha pero wala sa utak ni Bianca Umali na sumali sa Miss Universe Philippines.
“Hindi po. Honestly, hindi at all.”
Kahit dati pa ay may mga nag-aalok pero ayaw ni Bianca.
“Pero marami po ang nagtatanong at nagsasabi na bakit hindi ko po subukan.
“Una ko pong concern ay aabot po ba ang aking height sa height requirement?” at tumawa si Bianca na 5’4” lang ang height.
Wala na ngayong minimum height requirement ang mga sasali sa Miss Universe Philippines.
“Ayun po.
“But… bakit hindi? Iyon lang po siguro ang masasabi ko sa ngayon, bakit hindi.
“Kasi baka naman magbago ang ihip ng hangin in the future pero sa ngayon po eh mukhang hindi, wala ho siya sa isip ko.”
Female lead si Bianca sa pangalawang installment ng Mano Po TV series, ang Her Big Boss. And incidentally, kung hindi pala siya artista ay malamang na nasa corporate world si Bianca, either empleado siya o siya mismo ang boss.
“Actually hindi ko po alam kung na-share ko na ito, pero I believe kung hindi ako nag-artista, isa po sa mga pangarap ko, actually kahit ngayon na artista na ako, gusto kong nag-o-office work.
“Gusto ko ‘yung may mga papel, gusto ko ‘yung may mga tina-type, may mga pinipirmahan, parang ‘yung trabahong secretary, assistant, gusto ko abala.
“So isa ‘yun sa mga dream ko talaga, ang makapag-office work,” rebelasyon pa ng magandang Kapuso actress.
Taliwas sa oras o schedule bilang artista, nais ni Bianca na maranasan ang 9-5 na working hours sa opisina.
“Yes, yes, yes, isa po ‘yan sa gusto kong gawin.”
Biro namin kay Bianca, kapag ayaw na niyang mag-artista malay niya ay kunin siya ng GMA bilang isa sa mga executive ng Kapuso Network.
“Puwede naman po,” ang tumatawang reaksiyon ni Bianca, “iyon na lang ang fallback ko at least nasa GMA pa rin ako.”
Umeere na ngayon, gumaganap si Bianca sa Mano Po: Her Big Boss bilang si Irene Pacheco kasama sina Ken Chan bilang si Richard Lim at Kelvin Miranda bilang Nestor Lorenzo.
Ang Mano Po Legacy: Her Big Boss ay idinidirehe ni Easy Ferrer.