Thursday , December 26 2024
Dragon Lady Amor Virata

Illegal jumper sanhi ng sunog, ‘di alam ng barangay

Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata

KALUNOS-LUNOS ang napakalaking sunog na tumupok sa apat na Barangay sa Cavite City, ang siyudad na aking sinilangan, nag-aral ng elementarya at nagtapos ng high school.

Ang dahilan ng sunog? Illegal jumper! Mga residente na nagtitipid sa pagbabayad ng koryenteng nakonsumo, ngayon sino ang dapat sisihin? Ang mga residenteng nagpakabit ng jumper siyempre, at malaki rin ang pananagutan ng barangay na dapat nangangalaga sa komunidad.

Isama na natin ang Meralco na nagpabaya dahil hindi nag-iinspeksiyon sa mistulang pansit na buhol-buhol na mga kawad ng koryente upang madetermina ang pagkakaroon ng mga illegal jumper.

Maraming mahirap na apektado, marami rin ang magagandang bahay na tinupok ng apoy. More or less mahigit sa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan.Tila mas sinuwerte pa ang mahihirap na kasama sa mga nagkabit ng illegal jumper, dahil tumanggap ng tulong mula sa lokal na pamahalaan ng Cavite City.

Agad inaprobahan ng konseho sa pamumuno ni presiding officer Denver Chua ang halagang P30 milyon.

Ang bawat pamilyang naapektohan ng sunog, habang inililikas sa Ladislao Diwa at Ovidio de la Rosa Elementary School, na nagsilbing evacuation center.

Bukod sa tulong-pinansiyal ng lokal, marami rin tulong na pinansiyal mula sa iba’t ibang politiko, gayondin hindi naman nagpabaya sa pagkain ang lokal na pamahalaan sa tulong na rin ng CSW.

Walang patid ang dating ng pagkain, mga personal na kagamitan, tubig, mga damit at marami pang iba buhat sa iba’t ibang parte ng lalawigan ng Cavite. Mayroong mga pribadong organisasyon na nagpadala ng kanilang mga tulong, kabilang ang Cavite Association of Nevada, USA.

Samantala, ang mga may kaya sa buhay na nasunugan ay kinupkop muna ng mga kaanak na hindi apektado ng sunog. Ang kanilang naipon, partikular ang mga retirado ay naubos ang napundar, mga anak na overseas Filipino worker (OFW) na tumulong para mapaganda ang tirahan, parang bulang naglaho.

Ang mga dating mahirap, ngayon ay tumatanggap ng mga tulong at tatlong beses nang kumakain sa isang araw, may pera pa! Masuwerte pa pala! ‘Yan ang biruan mula sa bibig ng mga residente.

Simula ng sunog ay nag-brownout. Sandali lang, patay-sindi ang koryente, hanggang nagkaroon ng pagsabog.

Sa una ay sinisisi ang Meralco sa siyudad ngunit lumitaw sa imbestigasyon, illegal jumper ang sanhi ng sunog.

Magsilbi sanang aral ito sa aking mga kababayan. Baka sa susunod, hindi na tirahan n’yo ang mawala, Buhay na ninyo o miyembro ng pamilya mo!

Ang nakatatawa at nakaiinis, maraming hindi kasama sa nasunugan ang pumipila upang makakuha ng mga ipinamimigay na relief goods!

Kaawa-awa ang aming siyudad, daming nagugutom.

Sana, kung sinuman ang mahalal sa darating na eleksiyon, magkaroon ng malaking pagbabago! Unahin ang serbisyo-publiko, hindi ang kikitain sa bawat proyekto.

About Amor Virata

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …