NAKOMPISKA ng mga awtoridad ang mahigit
P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang dayong tulak sa isinagawang anti-illegal drug bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Mexico, lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo, 6 Pebrero.
Nagkasa ang magkasanib na elemento ng RPDEU-3, SCU3-RID, at Mexico Municipal Police Station (MPS) ng anti-illegal drug bust operation sa Brgy. Lagundi, sa nabanggit na bayan, nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Nabil Macadatar, alyas Ivan, 26 anyos, residente sa Brgy. Langkaan, Dasmariñas, Cavite.
Nakompiska mula sa suspek ang isang Samsung cellphone; timbangan; body bag; isang Mitsubishi Montero Sport; tatlong piraso ng nakatali at selyadong plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 305 gramo, tinatayang nagkakahalaga ng P2,074,000; at P500 bill na ginamit bilang marked money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Durgs Act of 2002 na inihahanda na para isampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)