Saturday , November 16 2024

Ang kaibigan ni Duterte, si Apollo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

HINDI ko mawari kung alin ang mas kapana-panabik para sa akin — ang nakalululang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao na naghihintay na maihain laban kay Pangulong Duterte o ang eskandalosong kombinasyon ng sex at money crimes na kinakaharap ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sa ngayon, ang anumang kaso laban sa una – kahit pa “betrayal of public trust” sa kontrobersiya ng Pharmally – ay hinding-hindi uusad. Gayonman, ang kanyang posibleng pananagutan ay mananatili pagkatapos ng kanyang termino, at sa unang araw ng Hulyo, malalaman natin kung ano ang kanyang kahihinatnan sa larangan ng hustisya sa ilalim ng kapangyarihan ng bagong residente ng Malacañang.

Kaya ang mapagtutuunan natin sa ngayon ay ang nakaiintrigang kaso ng kanyang spiritual adviser, na ang simbahan, sa pangambang magalit ang impiyerno, ay hindi ko mababanggit nang buo ang pangalan pero tatawagin nating “ang kaharian.” Unang binansagan ni Quiboloy ang kanyang sarili bilang “The Appointed Son of God,” 36 taon na ang nakalipas, pinamunuan ang isang relihiyosong sekta (‘Di ko sinabing kulto, ah?) sa isang nirentahang lugar sa Davao City.

Pareho lang tayong nagtataka kung paano niyang nahikayat ang tulad ng mga doktor, inhinyero, abogado, at iba pang propesyonal para tanggapin nang lubos ang klase ng kanyang pananampalataya, unti-unting nagtatag ng mga sangay ng kanyang simbahan dito at sa ibang bansa hanggang magkaroon siya ng sarili niyang “Garden of Eden.”

Literal niyang itinatag ang kanyang Garden of Eden, ang sentro ng kanyang kaharian, sa isang malawak na lupain sa Barangay Tamayong, Calinan, Davao City. At paano niya ginawa iyon? Ayon sa abogadong anak na babae ng kapitan ng Tamayong, tinakot ni Quiboloy ang mga Lumad upang mapilitang ibenta nang palugi sa kanya ang mga pagmamay-ari nilang lupa.

Noon pa man, may pagdududa na tayo sa kaharian ni Quiboloy, ang sangkatutak nitong pera, ang naggagandahan at batambatang kadalagahan na nangahilera sa kanyang likuran habang siya ay nangangaral, o ang armadong mga guwardiya na nakabantay sa kanyang kastilyo, na hindi magawang pakialaman kahit ng pinakamatatapang na mamamahayag sa Davao.

Alam nilang kapag sinimulan nilang imbestigahan ang lahat ng suspetsang nakapalibot kay Quiboloy, hindi ito matitinag at sa halip, ang magiging tugon nito ay hindi pagpapatawad na tulad ng dapat asahan sa isang banal na tao kundi ganting mala-impiyerno.

Siyempre pa, ang kanyang mga ministro at iba pang mga tauhan ay wala marahil ideya tungkol sa anumang ilegal na nangyayari, dahil hindi naman sila bahagi ng inner circle. Para naman sa mga kasabwat ni Quiboloy, hindi nila ibubunyag ang anuman sa kanilang mga nalalaman sa takot sa pupuwede nilang sapitin.

Ngayon, maaari nating batiin si Quiboloy sa pagkakabilang niya sa listahan ng Most Wanted ng FBI. Ang mga seryosong kaso ng sex trafficking sa mga bata at pagpupuslit ng bulto-bultong pera ay matitinding krimen na hindi puwedeng basta na lamang isnabin ng alinmang bansang may extradition treaty sa Amerika.

Kapuri-puri si Chief State Counsel George Ortha II sa walang takot niyang deklarasyon na gaano man kalapit sa Pangulo, hindi malulusutan ni Quiboloy ang paninindigan ng Department of Justice sa proseso ng batas kapag nagpaabot na ng extradition request ang US State Department.

Sa puntong ito, marahil ang pakikipagkaibigan ni Duterte kay Quiboloy ay dapat niyang patunayan sa hindi pagtatakip o pagbibigay-proteksiyon dito. Kung naniniwala ang Punong Ehekutibo na isa siyang tunay na relihiyosong tao sa kabila ng pang-iinsulto niya sa mga obispo, sa mga pari, at maging sa mismong Panginoon, ipagdasal na lang niyang mangyari nawa ang nais ng Diyos at maturuan ng leksiyon ang kanyang kaibigan.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …