NADAKIP ng mga awtoridad sa lungsod ng Malolos, sa lalawigan ng Bulacan ang isang lalaking may kinahaharap na reklamong panggagahasa sa menor de edad niyang nobya sa lungsod ng Tacloban, lalawigan ng Leyte.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Rommel Ochave, Bulacan police director, kinilala ang suspek na si Raymart Adolfo, 23 anyos, isang bartender.
Nadakip ang suspek ng pinagsanib na puwersa ng city police station (CPS) ng Tacloban at Malolos, matapos gamitin ng mga awtoridad bilang pain ang babaeng nakilala at nakausap sa social media.
Dinakip si Adolfo sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Tacloban Regional Trial Court kaugnay sa tatlong bilang ng kasong rape sa menor de edad niyang nobya.
Ayon kay P/Lt. Barry Baluyot, tracker team head ng TCPO, naganap ang panghahalay noong 2016, nang pagbantaan ng suspek ang biktima na ibubulgar niya sa mga magulang ang nangyari sa kanila kung hindi siya papayag na makipagtalik muli.
Pumapayag ang menor de edad dahil sa takot at may mga pagkakataon pang binibigyan ni Adolfo ang biktima ng softdrinks at pagkain na may pampahilo.
Nang sampahan ng kaso, nakarating ng Bulacan ang suspek mula Eastern Visayas upang magtago hanggang matunton ng pulisya ang kanyang kinaroroonan.
“Base sa aming intelligence information, mahilig siyang makipag-date, makipagkaibigan sa mga babae through social media or other platforms. Kaya naniniwala kami sa pamamagitan noon, makukuha namin ‘yung whereabouts nitong suspek na ito,” ani Baluyot.
Agad ibabalik sa Tacloban si Adolfo upang humarap sa korte kapag nakompleto na ang travel requirements kaugnay ng CoVid-19 pandemic. (MICKA BAUTISTA)