ARESTADO ang walong personalidad na sangkot sa droga kabilang ang isang menor-de-edad matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang drug den sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes ng gabi, 6 Agosto.
Sa ulat mula kay PDEA Central Luzon Chief, Director III Bryan Babang, ikinasa ang operasyon ng mga ahente ng PDEA Pampanga Provincial Office sa 6 St., Villa Riles, Brgy. Balibago, sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jeffrey Segarino, 23 anyos; Byron Ruiz, 23 anyos; Renzel Santos, 26 anyos; Angelo Villanueva, 38 anyos; Diana Villanueva, 29 anyos; Francis Manalo, 18 anyos; Efren Gapal, 56 anyos; at isang menor-de-edad na babae na isinuko sa City Social Welfare Development Office.
Nakompiska mula sa mga suspek ang pitong piraso ng selyadong pakete na naglalaman ng 20 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P136,000; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Ayon kay Babang, isinagawa ng PDEA ang operasyon batay sa mga impormasyon na ibinigay sa kanila ng ilang mamamayan sa lugar.
Nahahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(MICKA BAUTISTA)